Showbiz News

Michelle Dee, Richard Yap, Sanya Lopez, overwhelmed na makatanggap ng Walk of Fame star

By Kristian Eric Javier

Overwhelmed ang Sparkle stars na sina Michelle Dee, Richard Yap, at Sanya Lopez sa pagkakabilang nila sa Eastwood City Walk of Fame sa Eastwood, Quezon City kahapon, March 6.

Ang Eastwood City Walk of Fame ay sinimulan ng namayapang Master Showman German Moreno noong 2005 at ipinagpatuloy ng kaniyang anak na si Federico Moreno.

Parte ito ng City of Stars project ng Quezon City kung saan ipinagpatuloy noon ng Megaworld Corporation Senior Associate Vice President at Head for Marketing na si Tefel Pesigan-Valentino at Quezon City Mayor Herbert Bautista ang nasimulan ng Mastershowman.

Isa sa mga inductees ay ang Abot Kamay na Pangarap star na si Richard Yap na aminadong hindi niya inaasahan na tatagal siya noon ng limang taon sa industriya.

“This is surreal because I never thought I would last in showbiz for five years but here I am and with an Eastwood Walk of Fame so it's an honor, really, and I really am really very grateful,” sabi niya.

Dagdag pa ng aktor, pinapakita lang ng pagkakasama niya sa Walk of Fame na “dreams can come true.”

“So tayo lahat, let's not stop dreaming and keep reaching for our dreams,” sabi niya.

At a loss for words naman ang Miss Universe Philippines at Black Rider star na si Michelle Dee sa pagkaka-induct sa kaniya sa Walk of Fame.

“I did not expect this award. But of course, I'm so grateful (to those) who have recognized all the efforts not just in television but with my passion, with my advocacies,” sabi niya.

“Thank you so much and I don't know what to say, I can't believe it! Sobrang kinikilig ako,” dagdag pa ng actress-beauty queen.

Sa kaniyang acceptance speech, pinasalamatan din ni Michelle ang GMA Network at ang Sparkle sa suportang ibinigay sa kaniya, at ang Miss Universe Organization for being an “amazing platform” for her advocacies.

BALIKAN ANG MGA CELEBRITIES NA NAKASAMA SA WALK OF FAME NOONG 2020 SA GALLERY NA ITO:

Naiiyak naman ang Pulang Araw star na si Sanya Lopez na tumanggap din ng Walk of Fame star dahil maka-Kuya Germs siya, at sinabing nami-miss niya lalo ang kanilang tatay sa araw na iyon.

“Kanina, pagpunta ko palang dito sa Eastwood, nakasalubong ko na si Tito Federico (Moreno) so sabi ko sa kaniya, 'naiiyak po ako ngayon,' sabi niya, 'Naiintindihan kita,' kasi sobrang na-miss ko si Tatay today,” sabi niya.

Sinabi rin ni Sanya na sana ay kasama niya ang kanilang tatay habang tinatanggap ang kanilang star at nagpasalamat sa yumaong Mastershowman.

Sa acceptance speech ng Encantadia Chronicles: Sang'gre star, sinabi niyang si Kuya Germs ang unang naniwala sa kaniya noong nagsisimula pa lang siya kaya naman sobrang saya niya na naging parte na rin siya ng Walk of Fame na sinimulan ng Master Showman.

“Tay, alam ko nasaan ka man ngayon, nandito ka, maraming maraming salamat sa'yo. Mahal na mahal kita,” sabi niya.

Kasama sa mga na-induct din sa Walk of Fame ay ang chairman at advisor ng GMA Network na si Atty. Felipe L. Gozon, na sinabing, “I am out of place here, I am not a star.”

Kasama rin sa mga bagong inductee ng Walk of Fame ang celebrity news reporter na si Lhar Santiago at DZBB Radio anchor Joel Reyes Zobel.