Showbiz News

Si Tukayo ang 'Energizer' ni Miguel Tanfelix

By AL KENDRICK NOGUERA


 
Ibang klaseng energy raw ang dala ng Kapuso child actor na si David Remo sa set ng Niño ayon mismo sa bida ng show na si Miguel Tanfelix.
 
Sa istorya ng Telebabad soap, iisa ang pangalan ng mga karakter nina Miguel at David. Parehas Niño ang tawag sa kanila kaya’t binansagan nilang Tukayo ang isa't isa. Si David ang gumaganap sa misteryosong bata na sumusulpot kapag kakailanganin ni Niño ng tulong. Tuwing nariyan siya, nawawala ang imahe ng Sto. Niño sa simbahan.
 
“Kami ni Tukayo rito, kunyari may problema ako, sa kanya ako lumalapit. Tapos tulad noong napanood niyo sa balon, 'yung sa tubig, sa kanya ako lumapit noon para masolusyonan namin 'yung tagtuyot sa Barangay Pag-asa,” pagpapakilala ni Miguel sa role ni David.
 
Ayon kay Miguel, napapabilib siya sa pagiging propesyunal ni David kahit nasa murang edad pa lamang ito. “Magaling siya. Napapanood ko siya sa TV, grabe ang galing! Parang sobrang bait ng image niya. Parang Sto. Niño talaga,” saad ni Miguel.
 
Ikinuwento ni Miguel kung paano sila mag-bonding ng batang aktor. Aniya, “Hindi ako nakakatulog [sa taping] kasi makulit siya [David]. Pero masaya naman (laughs). Siya 'yung [kailangan mo] kung gusto mong magpa-energize sa set. Magpakulit ka sa kanya at magigising ka talaga.”
 
Dagdag pa ni Miguel, “Kasi talagang bata siya eh. Ine-enjoy niya lang ang lahat ng ginagawa niya. Medyo may pagka-makulit pero okay lang naman, nasasaway naman. Kaya kapag madaling araw, pampagising na talaga.”
 
Close ba ang dalawa? “Close naman siya sa 'kin. Kasi ako, ginagawa ko 'yung best ko para maging close talaga kami kasi mahirap naman na ilang sa'yo 'yung bata tapos lagi kayong magkasama sa eksena. Kaya dapat close talaga kayo,” sagot ni Miguel.
 
Patuloy na subaybayan sina Miguel Tanfelix at David Remo sa Niño, weeknights after 24 Oras on GMA Telebabad.