
Excited na ang Sparkle stars na sina Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, Bianca Umali, Ruru Madrid, Barbie Forteza, at David Licauco na magpasaya ng Global Pinoys sa nalalapit nilang Sparkle Goes to Canada tour ngayong April.
Bukod sa tatlong pares ng love teams, makakasama rin nila ang komedyanteng si Boobay, na magdadagdag ng saya para sa Global Pinoys.
“For the very very first time, lilipad po kami ng Canada kaya nakaka-excite and at the same time, nilu-look forward din po namin na makita ang aming fellow Kapuso and Global Pinoys there,” sabi ni Julie sa naganap na media conference para sa naturang show noong March 12.
Masaya rin si Rayver na magkaroon muli ng chance na maka-bonding ang mga Kapuso sa Canada.
Ani ng Asawa ng Asawa Ko star, “Ramdam nila 'yung - siyempre dun sila nagwo-work, miss na nila 'yung mga family nila dito, and sa simpleng paggawa ng ganitong show, malaking parte na 'yun sa buhay nila and para sa amin so excited na kaming makabalik sa Canada.”
Sabi naman ni Bianca, limang buwan silang nagre-rehearse para paghandaan kani-kanilang mga performance.
“Please do join us sa isang gabi that is full of entertainment, fun, and singing, and dancing, and we cannot wait to be with all of you and to play with you kasi marami rin tayong games,” ani ng aktres.
BALIKAN ANG SAYANG HATID NG CAST NG ABOT-KAMAY NA PANGARAP SA GLOBAL PINOYS SA JAPAN SA GALLERY NA ITO:
Excited na rin sina Ruru, Bianca, Barbie, at David dahil ito ang first time nilang pagbisita sa Canada. Kaya naman mas lalo silang na-excite sa kanilang tour. Ani pa ng Black Rider actor na si Ruru, paraan na rin nilang Sparkle stars ito para makapagpahinga mula sa kani-kanilang tapings.
“Nakaka-excite din dahil parang pahinga na rin from taping, bukod pa dun makakapagpasaya pa tayo ng mga Kapuso po natin sa Canada,” sabi niya.
Iba rin umano ang init at pagtanggap na pinaparamdam ng mga Global Pinoys tuwing nagpe-perform sila abroad kaya naman, malaking karangalan kay Ruru ang mapasama sa ganitong proyekto.
Nagbigay rin si Barbie ng ilang performances na dapat abangan ng mga Kapuso sa Canada, kabilang na ang sa kanilang mga girls, ang production number ng boys, at ang kanilang group performance.
“Kaya talagang hindi lang siya talaga maka-categorize as show ng love teams, group siya talaga, team effort din. Marami kaming prods together as a group, so 'yun po ang maipapakita namin,” sabi ng aktres.
Aminado naman ang Pulang Araw star na si David na excited na siya para sa performance na gagawin nilang mga boys dahil isa ito umano sa mga bagay na nasa bucket list niya.
“I think before 'yun 'yung pinapanood ko sa TV na sumasayaw 'yung mga artista, so like right now, sa Canada, this will be my first time na magawa 'yun and I think gusto ko siyang - it's part of my bucket list pero medyo kinakabahan ako, si Rayver na 'yung bahala,” sabi niya.
Bukod sa Sparkle artists, looking forward din ang creative consultant ng Sparkle at direktor ng tour na si Mr. Johnny Manahan o Mr. M na makatrabaho pa ang tatlong pares ng stars.
“Mga ano 'yan, talented, lalo na 'yang si Rayver Cruz, maraming tinatago 'yan. So watch out for it, people in Canada,” sabi niya.
Dagdag pa nito, kahit five months nang nagre-rehearse ang anim na artists ay patuloy pa rin silang magre-rehearse para masigurong mag gumanda pa ang mapapanood ng mga Kapuso sa Canada.
“I'm sure the people in Canada will enjoy the show. They're very talented people, as I've said, and looking forward to it,” sabi niya.
Ang Sparkle Goes to Canada ay gaganapin sa April 5, 2024 sa the Southview Alliance Church, Calgary, Canada. Bibisita rin sila sa Toronto Pavilion, Toronto, Canada sa April 7.