Showbiz News

Secret Affair: Ang tinig ng puso ni Helen | Weekly Recap

By Kristine Kang

Noong nakaraang linggo, nasaksihan natin ang patuloy na pag-apaw ng damdamin ni Helen para kay Santi. Pagkatapos magtapat ulit ang binata sa kaniya, unti-unting mas napamahal at nagiging panatag ang loob ni Helen kapag kasama niya si Santi.


Ngunit sa isang gabi, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawa, kaya naman nangibabaw ang takot at galit ni Helen sa inakala niyang masamang balak ng binata. Pinilit naman ni Santi na ipaliwanag ang mga totoong intensyon niya, ngunit dahil sa inis at hiya sa sarili, iniwasan muna ni Helen ang binata at tumutok na lang sa kaniyang trabaho.

Samantala, sumalang na sa auditions si Santi para makapasok sa kolehiyo. Dahil sa kaniyang angking talento sa pagtugtog ng piano, napahanga ni Santi ang lahat at madaling nakatanggap siya ng scholarship sa foundation.

Sa araw ng kaniyang parangal, nasilayan ni Santi ang totoong lagay ni Helen sa kaniyang trabaho. Dahil sa alitan nina Aiko at Madame Han, naipit sa alanganin si Helen sa kanilang away.

Nang sinubukan ni Santi kausapin si Helen tungkol sa nangyari, pinalayas lang siya ng kaniyang minamahal dahil sa hiya at inis sa dalawang boss.

Pero sa gabing iyon, hindi kinaya ni Helen ang kaniyang nararamdamang mabigat na emosyon kaya pinuntahan niya si Santi. Subalit umalis lang si Helen nang makita niya ang matamis na relasyon nina Santi at ang kaniyang kasintahan na si Daphne.

Kinabukasan, dumalaw si Santi sa bahay nina Helen at Hector para makapaghanda sa kaniyang pagtugtog sa isang concert. Kaysa natuwa sila sa kanilang pagkikita muli, isang striktong Helen ang bumungad dahil sa selos niya kay Daphne. Ngunit napangiti si Santi nang nalaman niya ang totoong damdamin ni Helen para sa kaniya.

Samantala, mas lumalaki ang pagduda ni Hector kay Santi at Helen. Dahil hindi siya mapalagay, bumisita si Hector sa manghuhula upang tanungin kung may ipinagbabawal na relasyon sina Helen at Santi. Ngunit ang resulta ay dapat wala siyang dapat alalahanin dahil hindi raw ganoon ang ugali ni Helen na unahin ang mga lalaki kaysa sa kaniyang trabaho. Kahit na may sagot na siyang natanggap, hindi pa rin makapalagay si Hector habang nakahiga mag-isa sa kanilang kuwarto.

Sa gabing iyon, bumisita naman si Helen sa bahay ni Santi para makasama niya ang kaniyang minamahal.

Ano na kaya ang mangyayari sa nagumpisang relasyon nina Helen at Santi? Patuloy kaya hahadlangan ni Hector ang dalawa?

Abangan ang kapana-panabik pang mga eksena sa Secret Affair, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 p.m. sa GMA.