Showbiz News

Super lakas at super saya ng bagong Sunday Grande ng GMA

By AL KENDRICK NOGUERA



Sit back and hold on to your seats dahil mas pinalakas at mas pinasaya ang inyong paboritong Sunday Grande sa bago nitong line-up simula July 20!

Gisingin ng maaga ang mga bata dahil tiyak na mag-e-enjoy sila sa AHA! na magsisimula ng 9 a.m. Na-imagine ba ninyo kung ano ang magiging lagay ng stray cats kapag nagsama-sama sila sa iisang bubong? Samahan si Rocco Nacino sa isang kakaibang cats' wonderland.

Kung gusto ninyo namang makakita ng mga paniki nang malapitan, huwag palampasin ang episode ng Born to be Wild na magsisimula naman sa ganap na 9:45 a.m. 

Pagkatapos nito, mga nakakabilib na experiment naman ang ituturo ni Chris Tiu sa iBilib pagpatak ng 10:15 a.m. Alam ba ninyo na ang isang simpleng barya ay sapat na para makagawa ng isang Science experiment? Alamin kung ano pa ang ibang magagawa ng barya ngayong Linggo ng umaga.

May bagong salta naman sa paborito ninyong Sunday Grande dahil pagdating ng 10:45 a.m., isang oras kayong hahawak sa inyong mga upuan dahil sa lakas ng puwersa ng pinakabagong Superhero Sunday! Uumpisahan ang weekly superhero shows ng Dragon Ball The Movie: Sleeping Beauty in Devil Castle! Kakayanin kaya nina Goku at Krillin na labanan ang kinakatakutang si Lucifer? Mailigtas kaya nila ang prinsesa mula sa kamay ng mga demonyo? Abangan!

At siyempre hindi mawawala ang favorite bonding ng inyong pamilya kapag Linggo, movie time! Magsisimula ang Kapuso Movie Festival pagpatak ng 11:45 a.m. Sa mga hindi pa nakapanood ng kauna-unahang The Mummy, ito na ang chance ninyo! At para sa mga nakapanood na, hindi ba’t masarap ulit-ulitin ang mga eksena nina Brendan Fraser at Rachel Weisz?

Ano pa ang hinihintay ninyo? Siguraduhin na maaga kayong matutulog tuwing Sabado ng gabi dahil magiging super lakas at super saya ng inyong Sunday mornings dahil sa Sunday Grande ng GMA!