Showbiz News

Top 5 miracles in 'Niño'

By AL KENDRICK NOGUERA
 
Maraming tao ang hindi naniniwala sa mga himala. Sila ay tulad ng mga kababayan ni Niño sa Barangay Pag-asa. Pero kahit na iba ang kanilang paniniwala, patuloy pa ring nagbibigay ng milagro si Tukayo at ginagamit niya si Niño para maghatid ng pag-asa sa mga tao.
 
Narito ang limang milagro na ginawa ni Tukayo.
 
1. Pagligtas sa sanggol
 

Tila binabantayan na ni Tukayo si Niño noong sanggol pa lamang ito. Pagkatapos iwan ng kanyang ama si Niño sa gubat para iligtas ito mula sa mga kapahamakan, bigla namang sumulpot si Tukayo upang ingatan ang sanggol. Nang muntik nang mahulog ang sanggol sa ilog, bigla na lamang siya sinalo ni Tukayo at inalagaan. Si Tukayo ang dahilan kung bakit nabuhay si Niño.
 
 
2. Pagligtas sa nasusunog na simbahan
 

Hindi si Niño ang dahilan kung bakit nasunog ang simbahan. Kahit sinisisi siya ng buong bayan sa pagkasunog nito, may mga naniniwala pa rin na inosente siya tulad ni Tukayo. Dahil dito, iniligtas ni Tukayo si Niño mula sa nasusunog na simbahan. Sa ikalawang pagkakataon ay inilayo ni Tukayo si Niño sa kapahamakan.

 
3. Pagbibigay ng tubig
 

Malaki ang problemang hinarap ng Barangay Pag-asa dahil sa tagtuyot. Dahil sa hirap na dinaranas nila, gumawa ng paraan si Tukayo at itinuro niya kay Niño ang maaaring pagmulan ng tubig. Noong una ay hindi pa naniwala ang mga tao kay Niño pero laking gulat na lamang nila nang may bumulwak na tubig sa lupang pinag-alisan ng malaking bato.
 
 
4. Pagpapagaling kay Lola V
 

Naabutan nina Lola V at Tiya Epang si Niño na may kausap pero hindi nila ito nakikita. Kausap noon ni Niño ang mahiwagang si Tukayo. Gusto sanang ipakilala ni Niño si Tukayo sa kanila ngunit nagtatakbo ito kaya’t hinabol siya ni Niño. Sumunod din sa kanila sina Lola V kaya’t napagod ang mga matatanda at sumama ang pakiramdam. Ito ang nagtulak kay Tukayo na magpakita na sa kanila at pinagaling niya nang isang iglap lang si Lola V.

 
5. Pagpapailaw sa peryahan
 

Humingi ng tulong si Niño kay Tukayo para ligawan si Gracie. Ang plano nila, dadalhin ni Niño si Gracie sa saradong peryahan at si Tukayo na ang bahala. Pagdating nina Niño at Gracie sa lugar, sobrang dilim nito nang bigla na lang lumiwanag dahil sa ilaw ng rides at gumalaw ang mga ito na tila may taong may control sa mga makina nito. Nabighani sina Niño sa ganda nito.