Showbiz News

Arnell Ignacio at Joy Viado: Ang naunang biritero't biritera

By ANN CHARMAINE AQUINO

 
Bago pa man sumikat ang mga bagong singers, una munang hinangaan sina Joy Viado at Arnell Ignacio sa mundo ng musika. Ano kaya ang nangyari nang sila ay bumisita kay Regine Velasquez sa Sarap Diva?
 
Nagsimula ang chikahan ng tatlong batikang singers over a cup of ginger tea. Kuwento ni Regine, ang ginger tea ay mainam na pangpaganda ng boses ng mga singers. Aniya, “It's also good for your stomach. Lalagyan mo ng konting honey panalo na siya.”
 
Inamin ni Regine na bago siya tumungtong sa stage, siya ay mayroong ginagawang breathing exercises. Sa panig naman nila Arnell at Joy, prayers ang kanilang unang ginagawa bilang paghahanda.
 
“Lord, huwag po sana akong sipunin,” biro ni Arnell.
 
Natatawang dagdag ni Joy, “Huwag po sana akong mapiyok.”
 
Ibinahagi rin ni Arnell at Joy na bago pa man sumikat si Regine, sila ang unang mga pinakahinahangaan. Natatawang ikinuwento ni Arnell na noong nakilala si Regine, maraming napipigil sa pagbabanyo dahil sa taas ng kanyang boses.
 
“Siyempre natigilan sila dahil ang taas talaga ng boses mo,” pahayag ni Arnell.
 
Ibinahagi ni Regine na kaya siya sumikat ay dahil kakaiba ang timbre ng kanyang boses noon. “Hindi pa naman kasi uso noong araw 'yung ganoon. During my time, 'yung sound ko hindi uso. Pero nagpapasalamat ako kay Whitney Houston, dahil sa kanya nabigyan ako ng break,” saad ni Regine.
 
Bago pa man natapos ang kanilang usapan tungkol sa musika, nagbigay ang dalawang singers ng kanilang advice para sa mga aspiring talents na gustong sumikat.
Ani Joy, “Advice advice pa, wala namang nag-advice sa amin. Maglabas ka ng kanta ganoon.”
 
Patawang dagdag ni Arnell, “Basta kumanta ka diyan, ibuka mo ang bibig mo.”