Showbiz News

Saan galing ang mga sugat at pasa ni Claudine Barretto?

By SAMANTHA PORTILLO

Ayon sa kampo ni Raymart Santiago, hindi dahil sa pambubugbog kundi dahil sa isang post-surgical procedure kaya may mga pasa si Claudine. Si Claudine Barretto naman, binasag na ang kanyang katahimikan.


“It’s something na parang matagal ko nang tinatago kasi ganoon usually kapag battered. Siguro, it’s really time na, kasi ilang years ko nang tinatago ito,” wika ni Claudine sa kanyang 24 Oras interview.

Kung noong nakaraang linggo, mga sugat at paso sa hita ang ipinakita ni Claudine Barretto, ngayon, mga pasa naman sa mukha ng aktres ang bagong ipinakitang larawan ng kanyang abugado na si Atty. Ferdinand Topacio sa Twitter. Ipinost daw niya ito bilang pagpapatunay na battered wife umano noon si Claudine.

Ipinakita sa picture kung paano raw itinago ni Claudine sa pamamagitan ng make-up ang kanyang mga pasa sa mukha.

“[I have] cuts, burns and wounds na itinatago, lalo pa kapag artista ka,” ani Claudine.

Hindi pinangalanan ni Claudine o ng kanyang kampo kung sino ang gumawa sa kanya nito, ngunit ang kampo ni Raymart Santiago, itinanggi na siya ang responsable para sa mga sugat at pasang natamo ng aktres.

Ayon sa kampo ni Raymart, totoo raw ang mga pasa ng aktres pero hindi dahil sa pambubugbog, kundi dahil umano sa isang post-surgical procedure.

Sa ipinadalang mga litrato sa GMA News ng kampo ni Raymart, nakabalot ng bandage ang mukha ng aktres. Magkasama pa sila sa ilang litrato. Sa litratong ito, makikita na tila nag-eenjoy sa kanilang pool party ang aktres. Noong Holy Week 2010 daw kinunan ang mga larawang ito.

Hinamon ngayon ng kampo ni Raymart na ibunyag nina Claudine ang tunay na dahilan kung bakit daw siya nagkaroon ng mga pasa noon sa araw na iyon. Wala pang pahayag si Claudine kaugnay rito.