Showbiz News

Ano'ng masasabi ni Miguel Tanfelix sa kanyang Naynay Angelu at Taytay Neil Ryan?

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com

 
Napakabait at masunurin ang character ni Miguel Tanfelix na si Niño. Dahil ito sa maayos na pagpapalaki sa kanya ng kanyang Naynay Leny at Taytay David.
 
Sa katunayan nga ay mayroong Naynay Commandments si Leny para sa anak. Kabisado pa nga ito ni Niño at lagi itong nasa isip niya sa lahat ng pagkakataon.  
 
Samantala, isang mabuting image naman ang ipinakikita ni Taytay David kay Niño. Naihalal siya bilang kapitan ng Barangay Pag-asa at maayos niyang ginagampanan ang kanyang mga tungkulin.
 
Kinumusta namin kay Miguel ang kanyang relasyon sa kanyang Naynay Angelu de Leon at Taytay Neil Ryan Sese. Ayon sa aktor, sobrang saya raw katrabaho ng dalawang veteran actors.
 
“Si Tita Angelu, sobrang fun niya kasama kasi ang cool niya eh. Alam mo 'yon, parang siya kasi matagal na siya rito 'di ba. Tapos nakikipagpbiruan siya. So 'yon 'yung para sa 'kin, parang wow, parang gagaan talaga 'yung pakimramdam mo sa kanya,” ani Miguel.
 
Kuwento pa ni Miguel, hindi raw nagkukulang si Angelu na gabayan siya sa mga eksena nilang dalawa. Madalas din daw itong nagbibigay ng acting tips sa kanya. Aniya, “Siya 'yung taga-paalala, 'oh 'yan, ano ka diyan 'di ba hawak mo 'yung cup mo diyan.' Parang ikaw, mare-realize mo na dapat pala tinatandaan ko 'to lagi.”
 
Dagdag pa ni Miguel, “Hindi ka maiilang na i-approach siya [Angelu].”
 
Bukod daw sa pagiging masaya ni Neil Ryan sa set, napapabilib din daw si Miguel sa galing niya sa pag-arte. “Ang galing niyang umarte. Nakakadala siya sa eksena,” pahayag ni Miguel.
 
Ayon pa sa bida ng Niño, nagkakasundo raw sila ni Neil Ryan sa set dahil sa kanilang hilig. “Nagkakasundo kami kasi ‘di ba mahilig akong magbasketball, eh mahilig din siya. So 'yon 'yung bonding namin sa isa't isa,” anang aktor.