
Bago pa naging parte ng My Guardian Alien, nakilala muna bilang successful na content creator si Christian Antolin dahil sa kanyang comedy skits tampok ang karakter na si Marga.
Sa Updated with Nelson Canlas podcast, binalikan ni Christian kung paano siya nagsimula sa paggawa ng online contents noong pandemic. Aniya, nagtatrabaho siya noon ng related sa architecture nang maisipan niyang gawing sideline ang paggawa ng content.
“Raketera po kasi talaga ko dati, ayoko napipirme sa isang trabaho. And nag-aral ako way back 2015 ng multimedia, hindi ko siya nagamit 2015 to 2019,” sabi niya.
Pagpapatuloy ni Christian, “Nu'ng 2020 ko na siya nagamit, pinakanagamit yung multimedia sa pag-edit ng mga videos during pandemic, so pandemic baby talaga. Pinaglihi po yata ako sa lagnat at saka ubo. Ayun at saka ano walang panlasa.”
Para kay Christian, hindi mahirap ang gumawa ng content, ngunit aminado siyang matrabaho ito. Bukod sa paggawa mismo ng content, pinakamatrabaho raw ang pag-edit ng video.
TINGNAN ANG MGA SOCIAL MEDIA STARS AT CONTENT CREATORS NA LUMABAS NA RIN SA MGA TELESERYE:
Pagdating naman sa kaniyang karakter sa skits na si Marga, sinabi ni Christian na hindi niya pinagplanuhan ito.
Paliwanag niya, “Sa social media as a content creator, I think, hindi mo agad malalaman 'yung niche mo hangga't hindi mo hahanapin. So, 'pag gawa ka nang gawa nang gawa ng content, kahit random 'yan, kung ano yung nag click iyon, 'yung dapat mong ituloy-tuloy.”
Dagdag pa ni Christian, nang gawin niya ang character ni Marga para sa skits at nag-click sa viewers, tuloy-tuloy na siyang gumawa ng content tungkol dito.
“'Di ba nga may kasabihan nga tayo na, strike while the iron is hot. So, nung nagustuhan ng mga tao si Marga, parang sabi ko sa sarili ko, 'Ah sige, ibigay natin sa kanila ito since iyon yung gusto nila."
Mula sa kaniyang successful character ay nakuha na ni Christian ang kaniyang niche; ang paggawa ng comedy skits na relatable din sa masa.
Dito rin niya nabuo ang ilan pa niyang mga characters para sa skits na nagustuhan rin umano ng mga tao.
“Through time, parang nalaman ko na kung ano yung pinakagusto ng mga followers so yun yung binibigay ko sakanila online,” aniya.
Pakinggan ang buong interview ni Christian dito: