Showbiz News

Kris Aquino, naiyak sa SONA ni PNoy

By SAMANTHA PORTILLO

 
Tila naging spotlight sa ikalimang SONA ni Presidente Benigno Aquino III ang red carpet fashion, ngunit ang talagang nang-agaw ng eksena ay ang emosyonal na pag-iyak ng nakababatang kapatid ni PNoy na si Kris Aquino sa speech ng Pangulo.
 
Kasama ni Kris ang kanyang ibang mga kapatid na sina Ballsy Aquino-Cruz, Pinky Aquino-Abellada at Viel Aquino-Dee.
 
Naging emosyonal ang tatlong magkakapatid nang marinig ang saloobin ni PNoy tungkol sa mga sakripisyong inaalay niya sa bansa. Tila nag-iba ang boses ng Presidente at nagpipigil ng emosyon sa puntong ito ng kanyang speech.  
 
Naiyak si Kris nang banggitin ni PNoy ang kanilang mga magulang. Talagang napaluha si Kris nang banggitin ng Pangulo ang mga salitang: “The Filipino is worth dying for. The Filipino is worth living for. At idadagdag ko lang po, the Filipino is definitely worth fighting for.”
 
Ayon kay Pinky, hindi na niya napigilan ang kanyang pagluha dahil nakikita niya ang hirap na pinagdaraanan ng kanyang kapatid.
 
Pati si Viel, ang kanilang kapatid na usually matipid sa pagbibigay ng panayam ay nagsabing ipinagmamalaki raw niya ng husto si Pangulong Noynoy ngayon.
 
Para kay Kris, hindi raw maalis na kapatid pa rin ang turing niya kay PNoy kahit siya ang pinakamataas na lider ng ating bansa kaya bumuhos ang kanyang emosyon.
 
Aniya, “Hindi naman ‘yun kumplikado. He’s our brother. Pangulo natin siya, pero more than that, kapatid namin siya. Noong binanggit niya ang mga magulang namin, siyempre, hindi namin natatanggal sa isipan namin na sa Friday, fifth death anniversary ng mom namin. I’m very proud of my brother.”