
Masaya si JC Regino na natutupad niya ang pangarap para sa kanya ng amang si April Boy Regino na magpatuloy sa musika.
Kuwento ni JC, ang amang si April Boy ang nag-"push" sa kanya na bumalik sa musika bago pa man ito pumanaw. Pag-amin ng singer-songwriter, huminto na siya noon sa pagkanta noong nasa U.S. para magtrabaho.
Photo by: JC Regino
Ani JC, kung nasaan man siya ngayon sa industriya, ipinagpapasalamat niya ito sa kanyang ama na nagturo sa kanya ng musika at nagtulak sa kanya na huwag itong sukuan.
"[Nagpapasalamat ako kay] dad na nagpu-push sa akin na magpatuloy sa musika. Kasi noong una give up na ako," sabi ni JC sa interview ng GMANetwork.com.
Ayon kay JC, ang OPM legend ang nagsilbing inspirasyon niya sa musika.
"Ang lahat naman ng dumadaloy sa dugo ko about sa music dahil galing po iyon kay dad. Kasi bata pa lang ako nakikita ko na s'ya. Ginagaya ko kung ano ang ginagawa n'ya. Idol ko po ang daddy ko.
"So lahat po ng dumadaloy na musika sa akin--mula sa paggigitara, pagsusulat, at paghawak ng mikropono, galing po sa daddy ko, kay April Boy Regino. [Kung saan] naipagpatuloy ko 'yung talent at nahaluan ko rin po ng sarili kong estilo. Katulad nitong 'Wala Na' makikita n'yo po riyan kung paano 'yung ibang style ko po ng pagsusulat ng kanta."
Ang "Wala Na" ang unang heartbreak song ni JC Regino sa GMA Music, na mapapakinggan na sa iba't ibang digital music platforms.
Kasalukuyang mayroong tatlong single si JC simula nang maging opisyal na recording artist ng GMA Music--ang "Idolo," "Tama Na Sa 'Kin Ikaw," at "Wala Na."
Pakinggan ang "Wala Na" sa video sa ibaba: