Showbiz News

Thea Tolentino, payag bang magkaroon ng kapatid sa labas?

By AL KENDRICK NOGUERA

 
Patindi nang patindi ang mga eksena sa Afternoon Prime soap na The Half Sisters. At mas tumatagal, lalong sumasama ang ugali ng character ni Kapuso actress Thea Tolentino na si Ashley.
 
Umiikot ang istorya ng The Half Sisters kay Thea at sa isa pang bida na si Barbie Forteza bilang Diana. Kambal sila ngunit magkaiba ng ama. Hindi pangkaraniwan ang pangyayaring ito na tinatawag na Heteropaternal Superfecundation case.
 
Hindi matanggap ni Ashley na nahahati ang atensyon ng kanyang mga magulang dahil sa kapatid niyang si Diana. Dahil dito, palagi niyang inaapi ang kapatid na hindi naman lumalaban sa kanya.
 
Ayon kay Thea, taliwas daw kay Ashley ang ugali niya sa totoong buhay. Nang tanungin kasi namin ang aktres kung ano ang magiging reaksyon niya kung sakaling magkaroon siya ng kapatid sa labas, sinabi nitong matatanggap niya naman ang sitwasyon.
 
“As Thea, iintindihan [sic] ko na lang kasi wala na... nangyari na eh. And nariyan na, nariyan na 'yung kapatid ko na hindi ko naman buong kadugo talaga,” pahayag niya.
 
Hindi naman daw kasi masisisi ni Thea ang kapatid dahil wala naman itong kasalanan. Aniya, “Tatanggapin ko na lang kasi kapatid ko rin naman siya in a way. Saka wala namang mangyayari kung aawayin ko siya. Ba’t ko siya aawayin? Hindi naman siya 'yung may kasalanan eh.”