
Buhay na buhay muli ang BarDa fans o ang mga taga-suporta ng Pulang Araw stars na sina Barbie Forteza at David Licauco dahil inilabas na ang trailer ng first movie ng dalawa na That Kind of Love.
Sa nasabing pelikula, gaganap si Barbie bilang si Mila na isang dating coach. Hahanapan niya rito ng magiging special someone ang mayamang businessman na si Adam. Pero ano'ng mangyayari kung ang love coach ang siyang ma-fall?
Sa social media, agad na nag-trending sina Barbie at David at pinag-usapan pa ang patikim na mga kilig na eksena.
“Shocks kinikilig nako nang malala #BarDa,” komento ng isang fan.
“Sarap paulit ulitin panoorin. Trailer pa lang ito pa'no pa kung movie na talaga mapapanood natin grabe. Love this kind of movie. That Kind of Love!!! BarDa Forever,” dagdag pa ng isang BarDa fan.
“Ang daming nakaabang yaay! so proud of you Barbie Forteza and David Licauco! this is blockbuster hitty!!!” komento pa ng isang netizen.
Mapapanood ang That Kind of Love sa mga sinehan sa bansa simula sa July 10.
Samantala, bibida rin sina Barbie at David sa biggest family drama ng GMA ngayong taon na Pulang Araw, kasama sina Sanya Lopez, at Alden Richards. Mapapanood din dito si Dennis Trillo sa kaniyang natatanging pagganap.
Unang mapapanood ang Pulang Araw sa Netflix sa July 26, tatlong araw bago ito ipalabas sa GMA Prime sa July 29.