
Ipinasilip nitong Martes (June 18) ang deglamorized look ng karakter ni Marian Rivera sa upcoming 2024 Cinemalaya film na Balota.
Sa “Chika Minute” report ni Aubrey Carampel para sa 24 Oras, totoong pasa at sugat ang tinamo ng Kapuso Primetime Queen sa shooting ng pelikula upang bigyang hustisya ang kanyang role bilang si Emmy.
Sa kabila nito, na-enjoy ng My Guardian Alien star ang pagbida sa isang Cinemalaya entry sa unang pagkakataon at ito ay isa rin sa kanyang bucket list.
“Wala akong bukambibig nu'ng ginagawa ko siya kay Dong. Ito yata 'yung pelikula na hindi ko inisip 'yung itsura ko kasi ito 'yung first time kong gampanan na no makeup. May mga wordings na ginagamit ko dito na hindi ko nagagamit in real life, pati sa mga soap opera,” pagbabahagi niya.
Proud din ang aktres sa istoryang isinulat at binuhay sa screen ng direktor ng pelikula na si Kip Oebanda at produced ng GMA Pictures kasama ang GMA Entertainment Group.
Aniya, “Ang sarap gumawa ng pelikula na at the end of the movie, may matututunan ka.”
Ipapalabas ang Balota sa 2024 Cinemalaya Independent Film Festival sa Agosto, na buwan ng kapanganakan ni Marian. Wish ng celebrity mom na makapag-iwan ng inspirasyon at aral ang naturang pelikula sa mga manonood.
“Ito 'yung sinasabi natin na sa bawat Pilipino, mahalaga kung sino'ng gusto mo para sa future mo, ng pamilya mo, lalo na ang mga anak mo,” saad niya.
Bukod kay Marian, kabilang din sa cast ng Balota sina Will Ashley, Royce Cabrera, Raheel Bhyria, Gardo Versoza, Mae Paner, Nico Antonio, Donna Cariaga, Joel Saracho, Sue Prado, Esnyr, at Sassa Gurl.
RELATED GALLERY: THE CAST OF 'BALOTA' MEET AT ITS STORY CONFERENCE
Kasalukuyang napapanood si Marian sa primetime series na My Guardian Alien tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m., sa GMA Prime, Pinoy Hits, at Kapuso Stream.
Mapapanood din ang programa sa oras na 10:30 p.m. sa GTV.