Showbiz News

Thea Tolentino turns 18

By AL KENDRICK NOGUERA

 
Sa August 13 na ang 18th birthday ni Kapuso actress Thea Tolentino. Pero ayon sa aktres, hindi niya ito maipagdiriwang sa mismong kaarawan niya dahil taping day ito ng The Half Sisters.
 
Ayon sa GMA Artist Center, gaganapin daw ang debut ni Thea sa darating na Sabado, August 16, sa isang resort sa kanyang hometown na Calamba, Laguna.
 
Sa interview ng PEP.ph sa aktres, sinabi nitong hands-on siya sa pag-aasikaso ng kanyang party. “Kahit na po may taping ako, nakikipag-coordinate ako sa ilang tao. Kahit na po sinabi nila sa akin na sila na ang bahala dahil alam nilang busy ako, gusto ko pa rin pong malaman ang mga nangyayari,” aniya.
 
Dagdag pa ng aktres, “Ayoko naman pong dumating na lang ako sa debut ko na wala akong alam sa mga naganap. Gusto ko po na kapag nagkuwento ako tungkol sa debut ko, detalyado at alam ko ang mga nangyari mula sa pagplano hanggang sa mismong araw ng birthday ko.”
 
Si Thea raw mismo ang pumili ng theme na butterfly. “Maganda po kasi ang symbol ng butterfly para sa isang debutante. It means na haharap na ako sa mga bagong pagbabago sa buhay ko,” paliwanag ng The Half Sisters star.
 
Ang tinutukoy ni Thea na pagbabago sa kanyang buhay ay ang kanyang pagiging independent. Saad niya, “Hindi na ako 'yung bata na kailangan pang alalayan. Puwede na po akong gumawa ng mga desisyon ko. Pero mas gusto ko pa rin po na kasama ang family ko sa mga gagawin kong desisyon sa buhay.”
 
Sa kanyang interview, sinabi niyang siya mismo ang nag-ipon para sa kanyang debut party. Pero mayroon din daw sponsors na tumulong sa kanya.
 
Maraming Kapuso stars ang inimbitahan ni Thea kabilang ang kanyang The Half Sisters co-stars na sina Barbie Forteza, Andre Paras at Derrick Monasterio. Siyempre hindi rin mawawala ang kanyang nakatrabaho sa first title role niya na Pyra Babaeng Apoy tulad ni Jeric Gonzales.
 
“Invited po lahat ng mga nakatrabaho ko sa GMA. Malaki po ang utang na loob ko sa Kapuso network dahil kung hindi dahil sa contest nila (Protege Season 2), hindi po ako mabibigyan ng pagkakataon na maging isang artista," pahayag ni Thea.