Showbiz News

“Yagit,” sasalamin sa totoong nangyayari sa bansa

By AL KENDRICK NOGUERA



Malapit nang ipalabas ang remake ng Mga Batang Yagit sa GMA Afternoon Prime soap. Dahil dito ay natutuwa ang original writers nito na si Eddie Ilarde at ang anak ni Jose Miranda Cruz na si Lito.

“Kami ni Lito, ang panganay ni Jose Miranda Cruz ay nasisiyahan. It is our honor and pleasure that GMA has decided to make a remake,” pahayag ni Eddie.

Matagal na panahon ding hinintay nina Eddie na gawan ng remake ang kanilang show. Maraming aral daw kasi ang mapupulot dito ng mga manonood.

“Ang Yagit ay hindi para sa mga bata lang kung hindi [isang] reality show upang palawakin ang kaalaman ng bayan sa kahirapan ng ating bansa sa panahong ito,” saad ni Eddie.

Kung ikukumpara raw noon, mas marami raw ngayon ang mga naghihirap. Ani Eddie, “Noong mang nagdaan ay mayroon na, mas malawak lang ngayon ang kahirapan ng tao.”

Bakit reality show na maituturing ang Yagit? “Reality sapagkat sinasabi ko nga kay Direk Gina Alajar na ito kakong remake ng Yagit [ay] maiiba sa lahat. Ang Yagit, ang reality show [na magpapakita] kung ano talaga ang nagaganap sa mundo,” sagot ni Eddie.

Ayon naman kay Lito, kailangan din nating ipakita sa mga manonood ang tunay na nangyayari sa ating bansa. Aniya, “Ang ating inilalabas ngayon na puro sosyalan, nakakalimutan natin ‘yung isang level ng mga tao na hindi natin binibigyan ng istorya. May mga istorya sila 'di ba?”

Dagdag niya, “Mas maganda naman na talagang ilabas na natin kung ano’ng mayroong istorya. Kasi nga ang mga yagit na 'yan ay mayroong ding mga sariling mundo na matatawag.”

Ibinahagi ni Eddie ang aral na mapupulot ng mga manonood sa Yagit. “Ito ang magiging inspirasyon ng mga manonood na sa likod ng kahirapan. Sa likod ng pagiging yagit, ang isang tao ay maaaring umasenso sa buhay,” pahayag niya.

Abangan ang mga bagong Jocelyn, Tomtom, Eliza at Ding sa Yagit, soon on GMA Afternoon Prime.