Showbiz News

Manny Pacquiao, balik-telebisyon

By CHERRY SUN
 
Busy mang maituturing ang boxing champ, basketball coach, philantrophist at Sarangani representative na si Manny “Pacman” Pacquiao ay nagbabalik siyang muli sa telebisyon.
 
Simula September ay mapapanood na si Pacman sa MP featuring Sport Science, ang bagong programa ng GMA sa Sunday Night Box Office.
 
Lalagyan ng Pinoy touch ng pambansang kamao ang informative documentary TV series na unang sumikat sa Amerika. Kasama ang kanyang co-host na si Solenn Heussaff, ipapakita nila ang siyensiya sa likod ng sports at athletic activities.
 
Sa mga unang episode ay susukatin ng isang sports scientist ang power punch ni Pacman.
 
“Mine-measure nila ‘yung lakas ng suntok ko and then speed ng suntok ko,” kuwento niya sa Balitanghali.
 
Dagdag pa niya, “Hindi lang sa boxing, kundi sa iba’t-ibang sports. Marami silang maaabangan at mapapanood d'yan sa MP featuring Sport Science.”
 
Hindi rin naiwasan at tinanong si Pacman tungkol sa lovelife ni Mommy D. 
 
Hindi naman daw siya tutol ngunit mayroon siyang paalala sa kanyang ina.