Showbiz News

Royal Baby, ano kayang magiging itsura?

By SAMANTHA PORTILLO

 
Nabanggit ng Royal Couple na matapos ng kanilang kasal sa December 30, 2014 ay gusto na nilang magka-baby. Gaano kaya ka-cute ang kanilang magiging anak?
 
Kuwento ni Dong sa 24 Oras, sa Immaculate Conception Cathedral sa Cubao, Quezon City gaganapin ang kanilang pag-iisang dibdib.
 
“Sa totoo lang, ang gusto namin, December 8, pero since Immaculate Conception day iyon, hindi po available ‘yung Immaculate Conception Church,” anang Kapuso Primetime King.
 
May gusto na rin daw silang venue para sa wedding reception. Sabi ni Marian, wala pa siyang desisyon kung sino ang gagawa ng kanyang wedding gown at binubuo pa rin ang listahan ng kanilang magiging ninong at ninang, pero sigurado nang maids of honor ang best friends ni Marian na sina Ana Feleo and Roxee B.
 
Hindi pa rin tiyak kung saan sila pupunta para sa kanilang honeymoon, pero mayroon na silang pinapagawang bahay ngayon bilang paghahanda sa kanilang buhay mag-asawa.
 
Sa panayam ni Jessica Soho sa Royal Couple, ikinuwento ni Dong na excited na silang magka-baby ni Yan.
 
Marami ang curious sa itsura ng kanilang magiging baby. Sa pamamagitan ng isang app, nagkaroon ng posibleng sneak peek sa future Royal Baby.
 
Ani Dong, “’Yung mommy niya ‘yung nagpakita sa amin. Ang sarap pong tingnan, nakaka-inspire po talaga.”