Showbiz News

Ano ang pinagdaanan nina Dennis at Bela sa taping ng 'Sa Puso ni Dok?'

By AEDRIANNE ACAR 

 
Pinalabas na ang first medical drama sa Philippine television, ang 'Sa Puso ni Dok.' Maraming netizens ang pumuri sa serye at nag-trending pa nga ito noong August 24.

Sa pangugunga ng award-winning director na si Adolfo Alix Jr., gaganap si Dennis Trillo bilang Doc Dennis at si Bela Padilla bilang Doc Gab. Sila ang mga "doctors to the barrios" na sasalamin sa tunay na kalagayan ng public health sa bansa.
 
Ayon kay Dennis, hindi naging madali ang paggawa ng proyektong ito. 'Di tulad ng mga big budget soap operas, ang Sa Puso ni Dok daw ay hindi ganoon kalaki ang budget. 
 
Pero para sa actor, pinili niyang gawin ang serye dahil naniniwala siya sa kalidad ng materyal. 
 
“Originally ang [Sa Puso ni Dok] prinoduce [produce] siya ng GMA News and Public Affairs. Hindi ganun kalaki ang budget. Minsan [may] minor lang na problema, pero siyempre naiintindihan namin ‘yun. Kaya naman unang-una naming tinanggap ‘to dahil dun sa material.” 
 
Dagdag pa ng aktor, “Pero nandito naman kami para magtulungan talaga, kaya naging maganda rin ‘yung mga ginawa namin dahil solid kaming grupo.”
 
Ayon kay Bela Padilla, very challenging daw ang pagte-taping nila sa Tanza, Cavite. Extremes daw ang naranasan nilang weather at kinailangan nilang maging sensitibo tuwing taping day dahil ang location nila ay sa isang maliit na public hospital.
 
“Sobrang init nung nagte-taping kami parang talagang peak ng summer. Tapos ang liit ng ospital, nagla-lights pa kami. Extremes or uulan ng sobrang lakas, 'yung talagang walang makita.”  
 
“Wala kaming tent. And I think 'yung isa sa mga challenge nung nagte-taping kami sa totoong ospital kung minsan kailangan tahimik kami kasi may mga pasiyenteng magigising 'pag naririnig nilang nagte-taping. Minsan may mga eksena [na] kailangan nagsisigawan kami, so ‘yun lang 'yung mahirap,” saad ng dalaga. 
 
Naging eye-opener din daw para sa dalawang star ng Sa Puso ni Dok ang medical drama series dahil mas lalo nilang naintindihan ang nakakaawang sitwasyon ng mga public hospitals sa bansa.
 
Kuwento ni Bela, “I think lahat tayo mayroon na tayong konting knowledge na 'yun nga, maraming kulang sa public hospital. Pero iba pala 'pag nakita mo ng first hand. Parang may tinape [tape] kami na sequence na 'yung pasiyente kong bata kailangan i-CT Scan. Pero 'yung equipment namin sobrang old. Sobrang luma halos pasira na. Minasking [masking] tape na lang namin 'yung ulo niya para hindi siya gumalaw.”
 
Bibigyang pansin din daw ng Sa Puso ni Dok ang isyu ng kawalan ng budget para sa kalusugan at ang problema sa korapsyon. 
 
“Kailangan palitan 'yung mga equipment pero 'yun nga. Minsan hindi siyempre nila alam kung saan nila kukunin 'yung mga budget. So 'yun [issue ng corruption] mata-tackle sa show.” 
 
Mapapanood ang Sa Puso ni Dok tuwing Linggo ng gabi pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho.