Showbiz News

Dingdong Dantes on marriage: Divorce should never be an option

By MICHELLE CALIGAN

 
Sa Ang Dalawang Mrs. Real, pinipilit ni Anthony (Dingdong Dantes) na ayusin ang pagsasama nila ni Millet (Maricel Soriano) pagkatapos niyang piliin ang una niyang asawa at iwanan ang pangalawang pamilya niya sa Cebu. Pero dahil ooperahan ang kanyang anak na si Bubot, walang choice si Anthony kundi puntahan ang kanyang mag-ina, sa ayaw man o sa gusto ni Millet.
 
Para sa Kapuso Primetime King, hindi niya gugustuhing mapunta sa sitwasyon ni Anthony.
 
"Definitely I do not want to be in Anthony's shoes. Siyempre, at the end of the day, kailangan mong pipiliin kung ano ang tama. Pero sa ganoong sitwasyon, hindi mo talaga malalaman kung ano ang tama at mali sa moment na 'yun. I'm sure later on ma-realize niya at maiintindihan niya. Kapag natuto ka na, babalik ka sa kung ano ang tama."
 
Aniya, ang nangyayari kay Anthony ngayon ay produkto ng nagkapatong-patong na maling desisyon. "Aminado naman siya na nagkamali siya nung una, at ang mga sumunod na hakbang [na ginawa niya] ay sa tingin niya ay mga tamang gagawin to probably ease the situation or maayos kahit papano ang problema niya. Pero ang naging resulta ay lumaki pa lalo ang kanyang suliranin."
 
Kahit ganito kalaki ang naging kasalanan ng kanyang character sa show, Dong believes he deserves a second chance. Sincere naman daw kasi si Anthony sa kanyang pagsisisi at very willing naman siyang magbago.
 
"Sincere din naman ang kanyang effort para ayusin ang kanyang dalawang pamilya. Ang lahat ng mga 'to ay bunga ng mga nagawa niya in the past, and he very much willing to make it right this time."
 
May payo ba siya sa mga lalaking nagmamahal ng dalawang babae o nagkakaroon ng dalawang pamilya?
 
"Darating at darating sila sa isang sitwasyon kung saan kailangan nilang patunayan ang kanilang pagiging lalaki. Kung sakaling dumating sila sa ganoong klaseng crossroads, isipin na lang nila na kailangan nilang balikan ang main essence kung bakit naging lalaki sila in the first place. Sa aking pananaw, 'yun ay ang pagkakaroon ng isang pamilya at pagkakaroon ng anak at ng asawa. Once naging matibay sa kanila 'yun, I'm sure na malaking posibilidad na malalampasan nila ang kahit anumang temptation."
 
Dahil na rin sa nalalapit na pagpapakasal ni Dong sa kanyang long-time girlfriend na si Marian Rivera sa December 30, naitanong na rin sa kanya kung gaano kahalaga ang kasal sa dalawang taong nagmamahalan.
 
"Ang marriage ay isa sa importanteng sacraments na I'm looking forward to. Ito ay isang bagay na pinaghahandaan talaga, and once na pinasok mo na 'yan, wala ng ibang option kundi mag-stay ka diyan. To leave it and get divorced should never be an option."