Showbiz News

Rita de Guzman, gustong sampalin ng isang fan?

By AEDRIANNE ACAR
 
Marahil maraming fans nina Janine Gutierrez at Elmo Magalona ang naiinis kay Rita de Guzman dahil inapi nito ang dalawa sa hit teleserye na Villa Quintana. She played the role of Patrice Quintana na naging tinik sa buhay nina Isagani at Lynette. 
 
Natapos man ang Afternoon Prime show, puring-puri ng mga manonood ang pagganap ni Rita dahil effective raw ito bilang kontrabida. 
 
Sa panayam ng GMANetwork.com sa Kapuso singer, nakakataba raw ng puso na marami ang humanga sa role niya sa Villa Quintana. Aniya, ang mga positive feedback na nakukuha niya sa mga manonood ay patunay lamang na nabigyan niya ng justice ang character niya sa show. 
 
“Masaya ako, kasi 'di ba before 'pag kontrabida ka sobrang affected 'yung tao. 'Yung tipong 'yung 'di ba like kay Princess Punzalan may hinimatay pa kasi sobrang naasar sa kanya.”
 
Kuwento pa ni Rita, may ibang tao raw ang lumapit sa kanya dahil gusto raw siyang sampalin.

Ayon sa kanya, “Bilang mas openminded 'yung tao, natutuwa sila pero at the same time, they appreciate my work na parang ‘Uy ang galing mo. Iko-complement nila ako tapos bigla nilang sasabihin na 'Kasi alam mo sobrang naasar ako sa ‘yo. Kung hindi lang kita kilala, matagal na kitang sinampal' ganun 'yung mga ano nila comment nila sa akin. Masaya.” 
 
Aminado ang Kapuso actress na nami-miss daw niya ang pagko-comedy, tulad ng role niya dati sa One True Love na babaeng bakla. Bagama’t gusto niyang gumawa ng comedy projects, ready na raw si Rita sa kahit ano mang ipagawa sa kanya ng Kapuso network. 
 
“Talagang sinasabi ko parati kahit anumang ibigay sa akin ng GMA, kahit ano okay ako.” 
 
Sa dami ng artista na tumatak sa showbiz bilang magaling na kontrabida tulad nila Ms. Celia Rodriguez, Ms. Princess Punzalan at Ms. Cherie Gil, naitanong namin kay Rita kung bakit patok sa mga Pinoy ang mga tulad nilang nang-aapi sa telebisyon.
 
Tugon niya, “Gustong-gusto kasi ng mga Pinoy 'yung mga palaban eh kasi ganun tayo. So 'di ba mas naiintindihan nila 'yung mga palaban.”