
Bago sumabak sa amateur boxing, sumalang muna sa martial arts training ang aktor na si Raheel Bhyria na bibida sa upcoming GMA Prime series na Mga Batang Riles.
Ang batikang aktor na si Ronnie Ricketts ang nag-train kay Raheel at sa mga kasamahan niya sa Mga Batang Riles na sina Miguel Tanfelix, Kokoy de Santos, Bruce Roeland, at Antonio Vinzon.
"Marami akong natutunan, even if matagal na akong nagba-boxing, ang dami ko pong natutunan kay Sir Ronnie [Ricketts], lalo na sa defense na na-apply ko po dito sa laban," saad ni Raheel sa panayam ni Lhar Santiago sa 24 Oras.
Nanalo si Raheel via knockout sa kauna-unahan niyang amateur boxing sa UKC: Ultimate Knockout Challenge na ginanap sa Elorde Sports Center in Parañaque City.
"Hindi ko ma-explain nung nanalo ako, binuhat ako ng coach ko tapos sigaw lang ako. [Nanalo ako] dahil lang sa displina sa pagte-train, pakikinig sa coach. At, thank you kay God na nanalo po ako," paliwanag ni Raheel.
Suportado naman si Raheel ng kanyang mga kaibigan niya sa Sparkle na sina Sean Lucas, Anjay Anson, Hannah Arguelles, Vince Maristela, Cheska Fausto, at Kirsten Gonzales.
Sumuporta kay Raheel Bhyria sa kanyang kauna-unahang boxing match ang Kapuso stars na sina Sean Lucas, Anjay Anson, Hannah Arguelles, Vince Maristela, Cheska Fausto, at Kirsten Gonzales.
Panoorin ang buong panayam ni Raheel sa 24 Oras:
Sa Mga Batang Riles, gagampanan nina Miguel, Kokoy, Raheel, at Antonio ang apat na kapos-palad na sina Kidlat, Kulot, Bato, at Dags. Mapupunta sila sa juvenile center matapos mapagbintangan sa isang krimen na hindi naman nila ginawa.
Sa loob ng juvenile center, mapipilitan ang mga Batang Riles na ipagtanggol ang kanilang sarili habang hinahanap ang tunay na saralin.
Bukod sa kanilang apat, parte rin ng Mga Batang Riles sina Bruce, Desiree del Valle, Jay Manalo, Zephanie, Ms. Eva Darren, Diana Zubiri, at Ronnie Ricketts.
Abangan ang Mga Batang Riles, malapit na sa GMA Prime!