Showbiz News

'Nagpapasalamat ako dahil kahit isang beses, nakatrabaho ko ang isang Mark Gil' - Barbie Forteza

By AL KENDRICK NOGUERA

 
Marami ang nalungkot sa pagpanaw ni Mark Gil noong September 1. Kinitil ng sakit na liver cirrhosis ang buhay ng 52-year-old actor.
 
Sa mismong araw na namatay ang aktor, nag-post si Barbie sa kanyang Instagram ng picture nilang dalawa. Ang litratong ito ay kuha sa indie film na Puntod noong 2009.
 
Ang Puntod pala ang tanging pagkakataon na nakasama ni Barbie si Mark Gil. Aniya, “Isang beses ko lang siya nakatrabaho. First indie film ko 'yon.”
 
Ikinuwento sa amin ni Barbie ang eksena nila ni Mark Gil na hinding-hindi niya raw makakalimutan. Bahagi niya, “Naalala ko mayroon kaming isang eksena doon. Siguro mga alas dos na o alas tres na ng madaling araw. Hindi na ako makaiyak. Basta ang sabi niya sa 'kin, Anak, hindi naman importante kung maiyak ka o may makitang luha.”
 
Ipinaliwanag daw sa kanya ni Mark Gil ang kaibahan ng isang indie film sa mga teleserye sa TV. Binigyan din daw siya ng isang tip na hanggang ngayon ay nagagamit niya pa rin.
 
“Unang-una, indie film naman 'to. Hindi naman 'yon ang gusto nila. Hindi naman 'yon ang hinahanap nila. Basta ang importante huwag mong dayain 'yung emosyon mo. Huwag mong dayain 'yung nararamdaman mo. Ang importante [ay] maramdaman mo 'yung eksena. Huwag mong i-fake, huwag mong i-edit 'yung sarili mo,” pahayag ni Barbie.
 
Pipi ang role ni Barbie at bulag naman si Mark Gil sa pelikulang ito. Saad ni Barbie, “Siya 'yung bulag kong tatay doon. Kahit hindi ako nagsasalita dahil pipi ako at siya lang 'yung naglilinya, ang dami kong nahugot sa kanya. I swear. Ang dami kong natutunan.”
 
Dagdag pa ni Barbie, “Iyon ang unang-unang acting lesson ko.”
 
Masuwerte na si Barbie dahil nakatrabaho niya ang batikang aktor bago ito pumanaw. “Nagpapasalamat ako dahil kahit isang beses, nakatrabaho ko ang isang Mark Gil,” pahayag ng The Half Sisters star.