
Hindi maitago ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera ang kanyang excitement na mapapanood na ng mas maraming tao ang kanyang Cinemalaya film na Balota.
Sa esklusibong panayam ng GMANetwork.com, ipinahayag ni Marian ang kanyang saya na sa wakas ay mapapanood na ng marami sa lokal na sinehan ang kanilang pelikula. Pag-amin pa ng aktres, marami na rin siyang natanggap na direct messages (DMs) ukol dito.
Aniya, “Actually nu'ng sinabi 'yan sa akin talaga, sobra kong saya kasi nu'ng pinalabas siya sa Cinemalaya, very limited talaga 'yung slot niya. At the same time, parang konting araw lang siya ipinalabas, so marami akong mga kaibigan ko na gustong manood, or may mga DM akong nakukuha sa TikTok, sa Instagram, na gusto nilang panoorin pero hindi sila nakabili ng ticket.”
Pagpapatuloy ng aktres, “So this time, dininig na ang kanilang mga request at ito na, ipapalabas na tayo sa October 16 at mapapanood na nila. Super happy talaga ako.”
Aminado rin si Marian na isa sa mga una niyang tinitingnan sa mga proyektong ginagawa niya ay ang magiging impact nito sa mga manonood; kung ano ang matututunan at aral na mapupulot nila sa kanyang pelikula.
Para sa Balota, ani Marian, “For sure, kapag napanood nila 'yung Balota, sasabihin talaga nila na, 'Kahit isa ka man, mahalaga ka sa mundo.'”
BALIKAN ANG PAGDALO NI MARIAN AT NG IBA PANG CAST SA GALA NIGHT NG 'BALOTA' SA GALLERY NA ITO:
Sa ngayon ay marami pang gustong gawing proyekto si Marian pagkatapos manalo ng aktres bilang Best Actress para sa Balota. Pag-amin pa ng Kapuso Primetime Queen, hindi niya inaasahang magagawa niya ang proyekto.
“Actually ang Balota nga, hindi ko ine-expect 'yan na magagawa ko 'yan, pero nagawa ko. So mas maganda sigurong walang expectation. Kung ano 'yung dumating at offer, tingnan natin kung kakayanin at gagawin ko,” sabi ng aktres.
Bilang guro ang karakter ni Marian sa pelikula na si Teacher Emmy, tinanong siya kung ano ang aral ang natutunan niya noon sa isang guro.
Ang sagot ni Marian, "Siguro nu'ng high school ako, na alam mo, lahat nakukuha sa sipag at tiyaga. So nandu'n pa rin ako na kung gusto mo ang isang bagay, pagsikapan mo, pagtiyagaan mo, makukuha at makukuha mo 'yan, 'wag ka lang magi-give up.”
Abangan ang premiere night ng Balota ngayong October 11, at ang opisyal nitong pagpapalabas sa mga sinehan sa October 16.