
Isa sa mga problemang kinakaharap ng Pilipinas ay basura at ang pangunahing klase ng basura na madalas matagpuan ay mga plastic, single-use bottles. Katunayan, ayon sa World Bank ay halos 2.7 milyong tonelada ang plastic waste ng bansa kada taon, at 20 porsyento nito ay napupunta sa karagatan.
Kaya naman, para makatulong masolusyunan ang problema ng bansa sa basura ay nagsulong ng proyekto ang aktres na si Antoinette Taus at ang kaniyang grupo na Communities Organized for Resource Allocation o CORA ng Eco-Ikot Centers program.
Dito ay pwedeng dalhin ng mga mamamayan ang kanilang recycable na basura na pwedeng ipalit sa E-Cash, bigas, gulay, at iba pang produkto.
“Pinag-uusapan parati ang polusyon sa Pilipinas. Gusto natin ipakita na ang Pilipinas ay isa ding lugar ng mga solusyon. Simpleng paglilinis, paghiwa-hiwalay, pwede n'yo na dalhin dito for E-Cash, you can get points, pwede din po kayo makakuha ng bigas, ng gulay at iba pa,” sabi ni Antoinette sa ulat ni Sandra Aguinaldo para sa 24 Oras.
Pagpapatuloy ng aktres, “Ang ating clear PET bottles, nasa 21 pesos per kilo. Pero kung ang dala n'yo naman po ay isang bagay tulad ng aluminum, nasa 50 pesos per kilo.”
BALIKAN ANG ILANG LITRATONG NAGPAPATUNAY NA YOUTHFUL PARIN SI ANTOINETTE SA EDAD NIYANG 43 SA GALLERY NA ITO:
Una nilang inilunsad ang programa sa Smokey Mountain sa Tondo, Manila. Ngunit ayon sa CORA, ay plano pa nilang magtayo pa ng gaya nito sa iba't ibang lugar. Sinabi rin nilang maaaring gayahin ng ibang local government ang proyektong ito para mabawasan ang problema ng bansa sa basura.
Suportado rin ng US Agency for International Development at Korea International Cooperation Agency ang Eco-Ikot center. Pero sabi nila, higit na importante rin ang suporta ng komunidad.
“We need to have local communities be supportive of and included in this. That's why this project is destined for more success because there's so much interest in local community,” sabi ni Dr. Paul Brown, Environment Officer ng USAID.
Panoorin ang panayam kay Antoinette dito: