Showbiz News

Ang mas pinabonggang GMA Afternoon Prime!

By AL KENDRICK NOGUERA



Mga Kapuso, mas magiging bongga ang hapon ninyo simula next week dahil sa mas pinagandang GMA Afternoon Prime! Lahat ng gusto ninyong mapanood pagkatapos ng inyong tanghalian ay inilatag na ng GMA para pagandahin ang inyong maghapon!

The Half Sisters

Kung trip ninyo ang heavy drama, hindi na kailangan pang mag-siesta dahil hindi kayo aantukin sa salpukan ng magkapatid na sina Diana (Barbie Forteza) at Ashley (Thea Tolentino) sa The Half Sisters na magsisimula ng 2:35 p.m. Nakakapanabik pa namang panoorin ngayon ang Afternoon Prime soap dahil lumalaban na si Diana. Nasanay kasi si Ashley na hindi siya pinapatulan ng kapatid tuwing inaapi niya ito. Hindi na yata magpapaawat ang dalawa lalo na ngayong pinag-aagawan nila ang inang si Rina.

Dading

Isa pang drama ang handog sa inyo ng Dading na magsisimula naman ng 3:20 p.m. Umiikot ang istorya nito kay Carding (Gabby Eigenmann), isang bading na piniling magtaguyod ng isang pamilya. Si Carding ang sumalo sa best friend na si Beth (Glaiza de Castro) nang mabuntis siya at iwan ng lalaking mahal niya. Para hindi lumaki ang bata na walang ama, pinakasalan ni Carding si Beth at siya ang kinilalang ama ni Precious. Nagulo ang lahat ng bumalik ang tunay na ama ni Precious na si Joemer (Benjamin Alves).

May Queen

Kung nasiyahan kayo sa local drama na handog ng GMA, ipagpatuloy niyo lang ang panonood dahil susundan agad ito ng Koreanovela na May Queen na magsisimula ng 4:05 p.m. Kilalanin ang character na si Delmar Cheon na gagampanan ng Korean star na si Han Ji Hye. Umiikot ang kuwento sa pagsusumikap ni Delmar na maiangat ang sarili sa pagkakalugmok niya sa kahirapan.

Alisto / Tunay na Buhay / Power House / Reporter’s Notebook / Love Hotline

Pagdating naman ng 4:35 p.m., iba’t-ibang special features naman ang ipapalabas ng GMA. Tuwing Lunes, mapapanood ang Alisto hosted by Arnold Clavio. Tuwing Martes naman ay ipapakita sa atin ni Tunay na Buhay host Rhea Santos ang buhay ng celebrities sa likod ng camera. Pagdating naman ng Miyerkules, ipapasilip sa atin ni Kara David ang naggagandahang mga bahay ng mga kilalang personalidad sa Power House. Tuwing Huwebes naman ipapalabas ang Reporter’s Notebook na magtatalakay ng mga isyu sa ating bansa. Siyempre, hindi papahuli si Jean Garcia sa pagbibigay ng payo sa mga taong mayroong love problems sa Love Hotline na mapapanood every Friday.

Full House

Good news sa fans nina Jessie at Justin dahil magbabalik ang Koreanovela na Full House simula next week! Pagpatak ng 5:05 p.m., muli na namang mapapanood ang nag-hit na romantic comedy na ito noon. Muling balikan ang nakakakilig na love story nina Jessie at Justin sa nag-iisang Heart of Asia, ang GMA.

Patuloy na subaybayan ang shows na kabilang sa GMA Afternoon Prime sa bago nitong timeslot, weekdays after Eat Bulaga.