Showbiz News

Jake Vargas, hindi dadalhin ang LQ nila ni Bea Binene sa taping

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com
Wish come true hindi lang sa real-life partners na sina Bea Binene at Jake Vargas kundi pati na rin sa kanilang fans ang pagbabalik-tambalan ng dalawa sa Strawberry Lane.
 
Ayon kay Jake, two years and six months na silang magkarelasyon ni Bea. Patagal daw nang patagal ang kanilang pagsasama ay mas naiiwasan na nila ang pag-aaway.
 
Payo nga sa kanila noon ng tumatayong ama nila sa showbiz na si Kuya Germs, tama na raw ang away-bati.

Ngayon daw ay naniniwala si Jake na malaki na ang pinagbago ng kanilang relasyon. “Oo masasabi kong nag-level up [na ‘yung relasyon namin] kasi kapag nagkaroon kami ng problema, hindi na namin pinapatagal. Tinatapos na lang namin agad. Kasi kung papatagalin mo, baka lalong lumala,” saad niya.
 
Pag-amin ni Jake, hindi naman daw talaga maiiwasan ang paminsan-minsang pagkakaroon ng tampuhan. Pero sisiguraduhin daw nila na hindi ito makakaapekto sa kanilang trabaho.
 
“Kung may LQ mang mangyayari, aayusin namin agad. So far wala pa naman. Masaya kami. Habang tumatagal [ay] nagiging okay,” pahayag ni Jake.
 
Matagal din daw hinintay ni Jake na makasama niya ang girlfriend sa isang project. Hindi na raw kasi siya mag-aalala tuwing malayo sa kanya si Bea dahil ngayon ay halos araw-araw na silang magkasama sa taping ng Strawberry Lane.
 
“Mas advantage kasi nakikita ko siya eh. 'Tsaka mas okay ako roon na kasama ko siya sa trabaho. Mababantayan ko siya at maaalagaan ko siya. Kahit abutin kami ng umaga, kasama ko naman siya. At least masaya kaming nagtatrabaho,” saad ni Jake.