Showbiz News

Thea Tolentino, nagulat sa pagiging kalog ni Andre

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com

Maraming hindi ine-expect si Thea Tolentino sa kanyang The Half Sisters co-star na si Andre Paras. Isa na raw dito ang sobrang kakulitan ng Kapuso actor.
 
Noong umpisa, sinabi ni Thea na nasusungitan siya kay Andre dahil mukhang seryoso ito palagi. Pero nang tumagal na ang Afternoon Prime soap, lumabas na raw ang tunay niyang kulay.
 
Inamin pa nga noon ni Thea na gusto niyang makasama si Andre araw-araw dahil napapasaya siya ng aktor. Pasok din ang qualities ni Andre sa ideal guy ni Thea.

Makalipas pa ang ilang buwan nilang pagsasama sa isang proyekto, patagal daw nang patagal ay lalong lumalala ang pagkabibo ni Andre. Sa katunayan nga raw ay nagugulat na lang si Thea tuwing inaatake siya ng kakulitan.
 
“Si Andre, kalog siya eh. Ready siyang makipagburan,” pahayag ni Thea.
 
Dahil halos araw-araw na silang magkasama sa taping ng The Half Sisters, naging close na raw sila ni Andre. Mayroon na silang bonding moments at hinding-hindi raw makakalimutan ni Thea ang video ni Andre na siya mismo ang kumuha.
 
“Kung nakita niyo 'yung post ko na video ni Andre na kumakanta sa van, ganoon si Andre. Tignan niyo na lang sa Instagram ko,” saad ni Thea.

Ayon kay Thea, gumawa raw ng sariling version si Andre ng "Best Song Ever" ng One Direction. Aniya, “Kasi may minus one kaming ipinatugtog. 'Yung niloko niya 'yung lyrics, bigla niyang kinanta na Andre is the best dude ever!”