
Maraming netizens ang nagandahan sa full trailer ng inspirational-drama film na Green Bones.
Sa pag-release pa lang nito noong December 5, umani na ito ng positive reactions online at pinag-usapan sa iba't ibang social media platforms.
Tinangkilik din ng A'TIN fans ang trailer na ginamit ang kantang "Nyebe" para sa main theme song ng pelikula. Marami ang nagkomento kung gaano kaganda ang epekto ng kanta sa mga emosyonal na eksena ng Green Bones.
Hindi lang ang kanilang fans at netizens, kung hindi pati rin daw ang SB19 pinusuan ang full trailer.
Sa isang exclusive interview, ikinuwento ng Kings of P-pop ang kanilang reaksyon nang mapanood nila ang trailer. Ayon sa kanila, kinilabutan sila nang marinig nila ang kanilang kanta sa backtrack.
"Noong napanood ko po 'yung trailer, ang naisip ko lang po doon grabe parang kahit naman 'yung song 'Nyebe' iba 'yung intensyon niya sa lyrics, pero kahit sa ibang klaseng kwento mo siya ilagay or ipatong, didikit at didikit po siya," pahayag ni Stell. "Actually, bukod sa mensahe ng kanta, ang importante po kasi 'yung emotion na nadadala 'yung tao. Iyon po 'yung mahalaga. Super goosebumps ang naramdaman ko po talaga sa trailer na iyon."
Labis din ang pasasalamat at tuwa ng SB19 na napili ang kanta nila para theme song ng Green Bones.
"Sobrang honored po kami. Dati po kasi kakasimula lang po namin, it's something we have dreamed of. Parang, 'Ano kaya 'pag 'yung sariling kanta natin ginamit sa movies or series?' Now that it really happened. Now that's really happening to us 'yung mga ganoong klaseng bagay, 'yung craft namin ginagamit na for something especially sa movies, actors and actresses na tinitingala namin dati-dati pa, sobrang hindi kapani-paniwala," sabi ni Ken.
Dagdag pa niya, "Sometimes we think, 'Totoo ba itong nangyayari na ganito?' I'm still overwhelmed sa mga pangyayari. Kaya sobrang thankful kami na nagustuhan n'yo ang 'Nyebe' at napili n'yo po ilagay sa movie n'yo po. Kaya maraming maraming salamat. Sobrang thankful po talaga kami."
Maliban sa Green Bones, isa rin ang P-pop group sa mga kumanta ng official theme song ng GMA hit series na Pulang Araw. Kasama nila ang OPM band na Ben&Ben sa kantang "Kapangyarihan."
Kaya naman namamangha ang SB19 sa epekto ng paggamit ng musika sa iba't ibang programa o proyekto.
"'Yung music very powerful naman po siya. Iba po kapag nakikita mo siya sa isang scene or nadidinig mo siya na may kasamang pinapanood na visuals. Parang nagkakaroon siya ng effect na talagang nakaka-touch sa mga tao," ani Pablo.
Ang official MMFF entry ng GMA Pictures at GMA Public Affairs na Green Bones ay mapapanood na ngayong December 25. Pinagbibidahan ito ng Kapuso Drama King na si Dennis Trillo at Primetime Action Hero Ruru Madrid.
Binuo ito ng award-winning team mula sa 2023 MMFF entry na Firefly at co-produced ng Brightburn Entertainment. Kasama rin sa proyekto ang Columbia Pictures para sa Sony Pictures Releasing International.
Panoorin ang full trailer ng 'Green Bones', dito: