
Bukod kay Jean Garcia, nagpaabot din ng suporta ang isa pang Widows' War actress na si Rita Daniela para sa aktres na si Barbie Forteza.
Ito ay kaugnay sa balita tungkol sa biglaang paghihiwalay nina Barbie at ng aktor na si Jak Roberto.
Related Gallery: JakBie moments bago ang kanilang hiwalayan
Sa naging pahayag ni Rita sa Chika Minute report sa 24 Oras nitong January 3, una niyang inilarawan ang pagkakaibigan nila ni Barbie.
“Alam n'yo po, kaya rin kami naging magkaibigan ni Barang, kasi masasabi kong parehas kami ng... siguro 'yung energy when it comes to people and I guess on also deciding, making decisions,” sabi niya.
Kasunod nito, inilahad ni Rita kung ano ang pagkakakilala niya sa kapwa Kapuso star at kung gaano siya nagtitiwala na kakayanang malampasan ng huli ang kasalukuyan niyang pinagdadaanan.
Pahayag ni Rita, “Kaya kung ano man ['yung] pinagdadaanan ngayon ni Barang [Barbie Forteza], alam kong napag-isipan na niya nang mabuti 'yan at napaghandaan niya na 'yan.”
“Napakatapang ng babae na 'yan. Siyempre kailangan niya ng pagmamahal namin at yakap namin, pero alam kong kayang-kaya niya,” pahabol pa niya.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag si Jak tungkol sa hiwalayan nila ni Barbie.
Matatandaan na unang naging magkatrabaho ang dalawang Kapuso stars sa rom-com series na Meant to Be na ipinalabas sa GMA noong 2017.