Showbiz News

Kaninong alaala ang gustong hiramin ni Dennis Trillo?

By MICHELLE CALIGAN

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com
 
Isang sundalo ang role na ginagampanan ni Dennis Trillo ngayon sa primetime series na Hiram Na Alaala. Hindi niya kayang talikuran ang kanyang tungkulin kahit pa ang babaeng minamahal niya ang humihingi na gawin niya ito. Sa kalaunan, isang trahedyang kasasangkutan niya sa giyera ang magbabago hindi lamang ng pagkatao niya, kundi pati na rin ang buhay nina Joseph (Rocco Nacino), Andrea (Kris Bernal) at Bethany (Lauren Young).
 
Bilang Hiram na Alaala ang pamagat ng kanyang show, tinanong ang Kapuso Drama King kung may alaala ba siyang gustong hiramin.
 
"Gusto kong hiramin 'yung alaala ng lolo ko na hindi ko nakilala. Sundalo din siya. Recently, namatay 'yung lola ko tapos nung kino-collect namin 'yung mga gamit niya, nakita namin 'yung dog tag ng lolo ko," kuwento ni Dennis.
 
Pagpapatuloy niya, gusto raw niyang makilala nang husto ang lolo niyang ito, lalo na't ang pagiging sundalo ay isa sa kanyang dream roles.
 
"Hindi ko siya nakilala dahil bata pa lang 'yung daddy ko, namatay na 'yung lolo ko. Gusto ko kahit panandalian lang, sana mahiram ko ang alaala niya para malaman ko naman kung anong klase 'yung buhay niya at kung anong klaseng tao siya."
 
Abangan si Dennis Trillo bilang Ivan sa Hiram na Alaala, Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng My Destiny, sa GMA Telebabad.