
World premiere na sa February 10 ng bagong soap opera ni Herlene Budol na Binibining Marikit. Mula sa GMA Entertainment Group, ito ang ikalawang seryeng pagbbidahan niya matapos ang Magandang Dilag na ipinalabas noong 2023.
Gaya sa Magandang Dilag, may dalawang leading men si Herlene sa Binibining Marikit: ang Thai-Irish model at Manhunt International 2024 title holder na si Kevin Dasom at si Tony Labrusca na unang beses mapapanood sa GMA.
Sa mga lumabas na teaser ng programa, tampok sa Binibining Marikit ang magagandang atraksyon sa Rizal, tulad ng Mount Daraitan at Tinipak River. Dito kinunan ang karamihan ng mga eksena sa Kapuso drama na umiikot ang istorya sa pagmamahal sa pamilya.
Sa serye, makakatrabaho ni Herlene ang kanyang TiktoClock co-host at kapwa niya proud Rizaleno na si Pokwang na gaganap na ina ng una.
Mapapanood din sa Binibining Marikit sina Thea Tolentino, Cris Villanueva, Almira Muhlach, Ashley Rivera, John Feir, Jeff Moses, at Migs Almendras.
Mapapanood ito simula February 10, Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m. sa GMA at online via Kapuso Stream.
Ang Binibining Marikit ay mula sa dikresyon ni Jorron Lee Monroy.