Showbiz News

'Yagit': The Original versus The Remake

By AL KENDRICK NOGUERA
 
Maraming teleserye noon ang hinding-hindi makalilimutan ng mga tao. At kadalasan, ang viewers na nakapanood ng sikat na shows noon ay mayroon nang mga anak ngayon. Iyan ang isa sa mga dahilan ng GMA sa paggawa ng remake ng Mga Batang Yagit na tinangkilik noong 1980s.
 
Sa mga hindi nakakaalam, ang Mga Batang Yagit ay unang napanood noon sa telebisyon. Pero nang sumikat ito, ginawa itong pelikula under Viva Films.
 
Ngayong kakaumpisa lamang ng remake na Yagit na mapapanood tuwing hapon, inisa-isa mismo ng actor-director na si Gina Alajar kung ano ang pinagkaiba nito sa original serye at pelikula noon.
 
Kuwento ni Direk Gina, nagkaroon daw ng kaunting pagbabago sa main characters ng Yagit. “Sa original na [Mga Batang] Yagit, mas panganay si Eliza kaysa kay Jocelyn. So ngayon pinagbaliktad namin. Actually sa original, pinakabata si Ding. Pero this time, si Ding ay mas matanda kay Eliza. So naging pinakabunso at pinakabata si Eliza,” anang direktor.

Binago rin nila ang buhay ng apat na bata at binigyan ng pagkakataong makapag-aral sa istorya ng Afternoon Prime soap. “The original [Mga Batang] Yagit ay mostly nasa kalsada sila. Although ang mga bata rin natin ay nasa kalsada, pero nag-aaral sila,” pahayag ni Direk Gina.
 
Nagdesisyon ang creatives na hindi na masyadong pahirapan pa ang mga bata. Ani Direk Gina, “Hindi sila nakatira sa ilalim ng tulay. Mayroon silang bahay na inuuwian na hindi naman kalakihan.”
 
Pero nilinaw ni Direk Gina, kahit daw mayroong pagkakaiba ang bagong Yagit sa orihinal na serye, nananatili pa rin daw ang aral na gusto nilang iparating sa viewers. Aniya, “The theme is the same. It's about mayaman at mahirap at ang kanilang moral values lalo na sa panahon ng kagipitan, sa panahon na naiipit sila sa mga sitwasyon.”
 
Subaybayan ang Yagit, weekdays after The Half Sisters on GMA Afternoon Prime.