Showbiz News

Can you guess what is Geoff's dream role?

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com
 
Kamakailan lang ay nag-guest si Kapuso actor Geoff Eigenmann sa The Ryzza Mae Show. Marami silang pinag-usapan ng tinaguriang youngest talk show host na si Ryzza Mae Dizon tungkol sa kanyang pagiging aktor.
 
Ipinakilala muna ni Geoff kay Ryzza ang kanyang magulang, ang mga batikang aktor na sina Michael de Mesa at ang direktor ng remake ng Yagit na si Gina Alajar. 
 
Dahil isang showbiz royalty si Geoff, bata pa lamang daw ay hinasa na siya sa pag-arte. “Mommy ko si Direk Gina kaya tinuturuan niya ako umarte,” pahayag ni Geoff.
 
Dagdag pa niya, “Noong lumalaki ako, kapag nag-a-acting workshop ako, madalas na nagtuturo sa 'kin noon ay Mommy ko kaya wala akong takas. Kailangan [ay] maganda lagi ang ginagawa ko kasi siya 'yung nakabantay sa 'kin.”
 
Hindi lang daw tamang asal ang itinuro nina Direk Gina sa kanyang mga anak dahil alam niyang balang araw ay papasukin din nila ang showbiz industry. Ani Geoff, “Growing up, marami kaming natutunang mga magkakapatid sa magulang namin. Lalo na pagdating sa acting.”
 
Naaalala pa nga ni Geoff na hindi umuubra ang acting niya kay Direk Gina noong bata pa siya. Saad niya, “Noong mga bata kami, uma-acting-acting din kami. Kunyare, mommy masakit 'yung tiyan ko ayoko pong pumasok. May mga ganoon pero hindi nakakatakas. (laughs) Walang takas talaga kaya ‘pag sa Mommy ko saka sa Daddy ko, totoo lang dapat.”
 
Tinanong ni Ryzza kay Geoff kung ano ba ang kanyang dream role. “Iba-iba naman. Siyempre gusto ko 'yung na-cha-challenge ako. Pero hindi pa ako nakakapag-panggap na superhero. Gusto ko 'yon kasi paborito ko si Superman so hindi pa ako nakaka-portray ng character na superhero. So 'yon ang gusto ko, action,” sagot ng aktor.
 
“Siyempre [gusto kong maging action star]. Siyempre sa buhay artista naman kahit ano ‘di ba. Puwedeng action, puwedeng drama, puwedeng comedy. Bihira akong mag-action,” dagdag pa ni Geoff.
 
Sana raw ay matupad ang wish ni Geoff na maging isang superhero. “Never pa akong nakagawa ng action talaga na ako 'yung bida so balang araw, sana magkatotoo 'yon,” aniya.
 
Habang naghihintay ng kanyang superhero role si Geoff, naging busy muna siya sa kanyang current project na Seasons of Love kasama si Louise delos Reyes. Mapapanood ito from Monday to Thursday after Full House sa GMA Telebabad.