Showbiz News

Bianca Umali, thankful sa 'Seasons of Love' sa pagdala sa kanya sa Bohol

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com
 
Katatapos lang ng isang taong anibersaryo ng magnitude-7.2 earthquake na tumama sa Bohol noong October 15 last year. Maraming barangay ang naapektuhan kabilang ang mga taong binawian ng buhay at nawalan ng mga tirahan.
 
Bukod dito, napuruhan din ang naggagandahang tourist spots ng lugar tulad ng dinarayong Chocolate Hills.
 
Pagkalipas ng isang taon, unti-unti nang bumabangon ang Bohol. Kaya naman pinili ito ng Seasons of Love na venue ng episode nilang 'First Love, First Dance' na pinagbibidahan ng Kapuso teen stars na sina Miguel Tanfelix at Bianca Umali.
 
Ayon nga kay Miguel, masaya silang nag-taping sa Bohol at nilibot niya ito kasama ang love team na si Bianca. Doon pa nga raw nangyari ang first holding hands nila ng kapareha.

Kuwento naman ni Bianca, nagpunta na raw siya sa Bohol dati pero nagpapasalamat siya sa Seasons of Love dahil nabigyan siya ng opportunity na ma-appreciate ang napakagandang lugar. Aniya, “Second time ko [magpunta] pero [dahil sa] Seasons of Love, na-explore ko 'yung Bohol.”
 
Dagdag pa niya, “Pinuntahan namin 'yung [lugar] kung saan sila nag-conserve ng tarsiers and 'yung Chocolate Hills.”
 
Hindi lang daw puro attractions ang na-appreciate ni Bianca dahil nag-immerse daw talaga sila sa kultura ng Bohol. “Sumayaw kami ng traditional dance nila and then natuto rin ako na mag-Boholano,” pahayag ng teen actress.
 
Mayroon daw hindi makakalimutan si Bianca sa pagbisita nila sa Bohol. “’Yung most memorable experience [ko] sa Bohol, siguro 'yung nakita ko 'yung sunset by the beach. 'Yung mga beach [‘yung babalikan ko roon],” saad ng Seasons of Love star.