Showbiz News

Bakit nasabi ni Sheryl Cruz na ang artista ay parang sundalo?

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com
 
Tatlong dekada na sa industriya si Kapuso star Sheryl Cruz kaya naman halos lahat na raw ng klaseng roles ay nagampanan na ng veteran actress.
 
Pansamantalang nawala sa showbiz si Sheryl dahil nagdesisyon siyang tumira sa Amerika noon. Sa kanyang pagbabalik ng bansa, kasunod niyang binalikan ang Kapuso network. Isa kasi si Sheryl sa mga alaga ni Kuya Germs noon sa GMA Supershow.
 
Tinanggap agad ni Sheryl ang offer ng GMA na Strawberry Lane at ngayon ay ginagampanan niya ang character ni Monique. Hindi mabuti ang role ni Sheryl sa Telebabad soap dahil ang tanging hangad niya lang ay makaganti sa kapatid na si Elaine (Sunshine Dizon). Namatay kasi ang anak ni Monique sa pangangalaga ng kapatid kaya’t hanggang ngayon ay hindi niya pa rin ito mapatawad.
 
Kahit malayo raw sa ugali ni Sheryl ang role ay tinanggap niya pa rin ito. Anang aktres, “Kapag nakikita ko nga 'yung sarili ko, natatawa na lang ako kasi alam ko na hindi ako ‘yon.”
 
“Ang artista [ay] parang sundalo, kung ano ang assignment mo [ay] susundin mo. Hindi ka puwedeng humindi,” dagdag pa niya.
 
Pero naniniwala si Sheryl na puwede rin naman daw humindi ang isang artista kung sa tingin niya ay mali ang ipinapagawa sa kanya.
 
“Minsan, mayroon din naman kaming karapatang magsalita lalo na kapag alam namin na medyo hindi na naman uubra o tama ‘di ba. Kasi kahit paano, sa aking opinyon, binabagay ko pa rin kung ano 'yung mga tinatanggap ko sa kung ano man 'yung naaayon,” saad ng Strawberry Lane star.
 
Ayaw raw kasi ni Sheryl na umarte nang hindi bukal sa loob. Aniya, “Kapag over naman, I don't think I'll be able to do it. I'll have a hard time doing it. And not only that, maraming debate ang mangyayari. Kasi kung ano 'yung totoo na nangyayari, yon 'yung gusto kong maramdaman noong taong nanonood sa 'kin.”