
Sa Kapuso Mo, Jessica Soho, tila parang nagsusunog ng pera ang isang pamilya dahil sa sinapit ng isa sa kanilang mga anak.
Dahil walang magamit na kalan pangluto, nagsisiga si Jeamarie para makakain ang kanilang pamilya. Gamit niya pangsindi, isang maliit na lighter. Hindi niya inaakalang ito ang magiging sanhi ng pagkalapnos ng leeg at katawan ng kanyang apat na taong gulang na anak na si Renz matapos itong paglaruan.
Mahigit isang buwan ng nasa Southern Philippines Medical Center si Renz dahil sa natamong mga sugat. Ang kanyang mga sugat sa buong katawan, hindi pa rin tuluyang naghihilom. Tuwing kailangan linisin ang kanyang mga sugat bawat dalawang araw, walang tigil ang paghiyaw at iyak ng bata sa sakit.
Kwento ni Jeamarie, nagulat na lamang siya nang biglang nagsisisigaw at humihingi na ng tulong ang anak niya isang hapon noong Pebrero.
"Akala ko, nauntog lang. Nung nakita ko siya, nataranta talaga ako," kwento ni Jeamarie.
Ang suot na damit ni Renz, nagliliyab na. "Umabot na sa ulo niya, hanggang sa buhok niya 'yung apoy."
Payo ng Burn Unit Director ng Southern Philippines Medical Center na si Dr. Arnulfo Mapayo, "Dapat ang mga flammable na gamit, hindi naaabot ng mga bata."
Kapag may paso o sugat mula sa pagkasunog, "Wash it with tap water and soap, 'wag niyong gamutin ng kahit na ano, lalong lalo 'wag toothpaste. Dalhin ninyo sa pinakamalapit na health facility."
Para sa mga nais tumulong sa gamutan ni Renz, maaaring magdeposito sa:
LANDBANK CALINAN
Account Name: Jeamarie Esmeralda Muaña
Account Number: 6816-0513-61
Patuloy na panoorin ang Kapuso Mo, Jessica Soho tuwing Linggo, 8:15 p.m. sa GMA.