Showbiz News

Modern kontrabida ang hatid ni Joanna Marie Tan sa ‘Strawberry Lane’

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com
 
“Masaya. Nakaka-challenge 'yung role ko,” ‘yan ang sagot ni Kapuso teen star Joanna Marie Tan nang kumustahin namin ang character niya sa Strawberry Lane.
 
Ang role ni Joanna sa Telebabad soap ay si Lupe. Aniya, “Sabi sa 'kin ni Direk (Don Michael Perez), 'yung role ko [ay] may pagka-antagonist pero kailangan ko siyang gawin na gumagawa ako ng masama pero minamahal pa rin ako ng tao.”
 
Dagdag pa ng aktres, “Sabi niya, nagawa ko raw 'yong challenge na ‘yon kaya masaya ako.”
 
Hindi usual na kontrabida ang role ni Joanna kaya hindi niya ito maikumpara sa characters na ginampanan niya noon. Ngayon na lang daw ulit na-challenge ang teen star dahil kay Lupe. “Sabi ko nga, itong Strawberry Lane, ibinalik niya 'yung passion ko sa acting,” ani Joanna.
 
Malayong-malayo raw si Joanna sa mga kontrabidang napapanood natin sa TV.
Ani Joanna, “Siguro mas nakakapag-explore na kami na hindi porket kontrabida ka, ganito. Kasi uso na rin ngayon 'yung mga bida-kontrabida like 'yung antagonist pero makikita mo kung saan hinuhugot ng character 'yung emotions niya.”
 
“Hindi na rin uso 'yung bida ka tapos sobrang bait-baitan ka at kontrabida ka tapos sobrang sama mo na mananampal ka o magpapasabog ka ng kung ano-ano. Hindi na ganoon 'yun. Sobrang nagiging realistic na 'yung mga series eh,” anang Strawberry Lane star.