Showbiz News

Bakit takot na takot si LJ Reyes kaeksena ang ‘Yagit’ kids?

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com

By AL KENDRICK NOGUERA
 
“Masarap na nakakatakot na nakakakaba,” ‘yan ang pahayag ni Kapuso actress LJ Reyes nang kumustahin namin ang working relationship niya sa Yagit kids na sina Judie Dela Cruz (Jocelyn), Jemwell Ventinilla (Tomtom), Zymic Jaranilla (Ding) at Chlaui Malayao (Eliza).
 
Pinaghalong emosyon daw ang nararamdaman ni LJ sa tuwing nakakaeksena niya ang Yagit kids. Aniya, ”Masarap kasi [kapag] off-cam talagang parang babies ko sila. Pero oncam kasi, kailangan ko silang saktan.”
 
Dagdag pa niya, “Medyo mahihila ko sila at papaluin ko sila. ‘Yung first few scenes namin na ganoon, talagang takot na takot ako at kabadong-kabado ako kasi baka masaktan ko talaga sila totally.”
 
Hindi maiiwasang madala ng kanyang emosyon si LJ pagdating sa taping. Buti na lamang daw ay hindi siya pinababayaan ng kanilang director na si Direk Gina Alajar.
 
“May alalay naman ni Direk Gina with regards to that pero sometimes kasi hinihingi talaga ng eksena na maramdaman nila 'yung sakit so kailangan ko siyang gawin,” saad ng Yagit star.
 
Tuwing mayroong mabibigat na eksena with Yagit kids, nag-iisip daw si LJ ng paraan para maging comfortable sa kanya ang mga ito. Aniya, “Tapos after naman noon kinakausap ko sila. Tapos minsan binibigyan ko pa ng chocolates. May bribe? (laughs)”
 
Ayon kay LJ, nagulat siya dahil sa murang edad ng kids ay mayroon na silang professionalism at naiintidihan nila ang kanilang trabaho. “'Yung mga bata namin, alam na nila na ito [ay] acting lang, ito [ay] hindi [totoo],” anang aktres.