Showbiz News

Rita de Guzman, maraming kaaway sa Strawberry Lane?

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com

Sa lahat ng kontrabida roles ni Kapuso actress Rita de Guzman, tanging ang character niya lang daw sa Strawberry Lane ang nalalayo.

Ginagampanan ngayon ni Rita ang character ni Lavinia sa Telebabad soap. Aniya, ito raw ang pinaka-challenging role niya so far.

“Kinakabahan ako kasi 'yun nga 'yung naging challenge. Hindi lang naman kasi isa [‘yung inaaway ko sa show], tatlo o apat sila,” pahayag ni Rita.

Ang tinutukoy ng aktres ay sina Clarissa (Bea Binene), Jack (Kim Rodriguez), Lupe (Joanna Marie Tan) at ang namatay na si Dorina (Joyce Ching).

Nang tanungin si Rita kung hindi ba boring na lagi siyang kontrabida, sinabi niyang hindi naman daw dahil sanay na siyang nakikipag-away sa mga eksena.

Dagdag niya, “Hindi ako mabo-bore rito. Every taping [ay] kailangang nakahanda talaga ako sa character ko.”

Bukod sa dami niyang aawayin sa Strawberry Lane, malaki rin daw ang pinagkaiba ni Lavinia sa kanyang previous roles. Aniya, “At least kakaiba na 'to kasi 'yung mga iba kong kontrabida roles [ay] talagang masama lang ako. At least dito, mayroong kaisa-isa na nagkagusto [sa ‘kin]. (laughs)”

Sa istorya, love interest ng character ni Jeric Gonzales na si Georgie ang kababata niyang si Lavinia. Kaso lamang, kaibigan lang ang turing ni Lavinia kay Georgie dahil mayroon siyang gusto kay Gabo, ang role ni Jake Vargas.