
Puno ng good vibes ang latest YouTube vlog ng It's Showtime host na si Ryan Bang dahil nakasama niya ang content creators na sina Euleen Castro at Kevin Montillano.
Sa naturang video, nagkaroon ng masayang kwentuhan at nag-mukbang pa ang tatlo ng iba't ibang Korean food tulad ng gimbap, ramyeon, at iba pa.
Dito ay naikuwento ni Euleen kay Ryan na ayaw niya sa mga Korean noon dahil naranasan niyang ma-bully ng isang Korean noong siya'y nag-aaral pa.
“Dati ayaw ko sa Korean kasi ang pinaka-nam-bully sa akin nung high school ay Korean. Kaya ayaw kong makipagkaibigan sa Korean dati.
“Tapos sinabi pa sa akin Kuya, huwag daw akong pumuntang Korea kasi grabe raw discrimination sa Korea kapag matataba. So hindi ako nagpunta noon, pumunta 'yung pamilya ko,” kwento niya.
Nabago naman ang tingin ni Euleen sa mga Korean nang magpunta siya sa South Korea.
Patuloy niya, “Nung nagpunta kami nila Kevin, sobrang babait. Hindi ako nakaranas nung titignan ako nang gano'n tapos tatawa, wala. Mababait ang Koreans.”
Bukod dito, ibinahagi rin ni Euleen kung paano siya nagsimula gumawa ng content sa social media.
Aniya, "Nag-start na ako ng vlogging sa YouTube ng 2018 pero for family and friends lang.
"Tapos nakilala po ako sa TikTok noong 2022."
Dagdag pa niya, noong 2024 siya bumalik sa paggawa ng mga vlog sa YouTube.
Panoorin ang buong vlog ni Ryan Bang sa video na ito.
Samantala, mapapanood si Ryan Bang sa noontime variety show na It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.