Showbiz News

Joanna Marie Tan, maayos na nagampanan ang bulag na role dahil kay Jean Garcia

By AL KENDRICK NOGUERA
 
Last week lang noong bumalik ang paningin ng role ni Kapuso actress Joanna Marie Tan sa Strawberry Lane. Nabulag kasi ang character niyang si Lupe dahil sa nangyaring insidente na kinasangkutan din ng pagkamatay ni Dorina (Joyce Ching).
 
Kahit na sandaling panahon lang ang pagganap ni Joanna sa isang bulag, pinaghandaan niya pa rin daw ito nang husto. Ayon sa teen star, nag-research daw siya at inobserbahan niya ang kilos ng isang bulag.
 
Ibinahagi ni Joanna ang ilang natutunan niya noong bulag pa si Lupe. Aniya, “Kapag bulag pala, lumalakas 'yung senses mo. Kunwari may kausap ka, 'yung kausap mo, imbes na nakaharap ka, ang hinaharap mo [ay] 'yung tainga mo.”
 
Pero ayon kay Joanna, mayroon daw ipinagawa sa kanya ang kanilang acting coach para gumaling siya sa pag-arte bilang bulag.
 
“Ang sinabi talaga sa 'kin ng acting coach namin, manood ako ng The Half Sisters dahil ang galing daw ni Miss Jean [Garcia] gumanap ng bulag,” pahayag ng Strawberry Lane star.
 
Matagal nang bulag ang character ni Jean na si Rina sa Afternoon Prime soap kaya naman hindi maikakailang napakagaling ng pagganap ng veteran actress sa role.
 
“Si Miss Jean, [dahil] bulag siya roon sa character niya, kahit nasa harap ka niya [ay] hindi ka niya nakikita. Tumatagos lang,” ani Joanna.
 
Dagdag pa niya, “Kaya [ang] sabi niya [ng acting coach namin], iyon daw 'yung i-achieve ko.” 
 
Hindi naman nagkamali ang acting coach ng Telebabad soap dahil naging maayos ang pag-arte ni Joanna bilang bulag.