
Hindi napigilang maging emosyonal nina Candy Pangilinan at Aiko Melendez nang mapag-usapan ang kanilang pagkakaayos matapos ang ilang taong tampuhan.
Sa isang panayam sa YouTube channel ni Aiko, binalikan ng mga aktres ang dalawang taong lamat sa kanilang pagkakaibigan.
Aminado ang parehong stars na hindi na nila matandaan ang eksaktong dahilan ng kanilang away. Ngunit ayon kay Candy, posibleng may isang taong naging ugat ng alitan.
"Ang tagal kong inisip, in-analyze. Iniisip kong mabuti," sabi ni Candy. "May iniisip akong tao, 'yung tao na 'yun na naisip ako, na hanggang ngayon, hindi ko kinakausap. Dahil feeling ko, siya ang nag-ano ng kuwento. Dahil usually siya 'yung nagiging cause ng maraming ano. Sabi ko, baka siya. 'Yun lang.”
Para naman kay Aiko, ang kanilang maturity ang naging susi sa pagkakaayos. Ayon sa kanya, nagkasalubong lang sila ni Candy sa Greenhills, nagkamustahan, at mula roon ay nagdesisyong mag-usap muli.
"Ako, sa totoo lang, kung kinonfront kita nu'ng mga panahon na 'yun, baka hindi tayo umabot sa ganito. Baka mag-away tayo, magsigawan tayo," kuwento ni Aiko. "Ano ba dapat? Sa tingin mo ba, tama rin ito na umabot din tayo sa puntong ito na hindi na natin kailangang mag-usap? And then we just trusted na aabot din tayo na magkakaayos tayo?”
Ipinahayag naman ni Candy ang paggalang sa naging proseso ni Aiko.
Aniya, “Proseso mo yun, e, so hindi ko puwedeng i-judge. Hindi ko pwedeng sabihin na 'dapat ito ang ginawa mo,' kasi proseso mo yun, e.
"Yun ang nararamdaman mo. I cannot judge your emotions. I cannot judge how you feel kasi that's how you feel, e.”
Nagkaiyakan ang dalawa nang aminin nilang na-miss nila ang isa't isa.
“Naalala mo nung binlock kita sa IG, e. Tinanong sa akin ni [Carmina Villarroel] 'yun, 'Hinahanap ka ni Candy, hindi ka niya makita raw.' Sabi ko, binlock ko siya kasi ayokong makita kita nu'n," pahayag ni Aiko. "Aaminin ko ito first time, nami-miss kita. So, ia-unblock kita. Tingnan ko lang. Tapos nanonood ako ng YouTube channel mo. Sabi ko, 'Ay, mabuti naman maayos ang buhay niya.'”
Lalo pang bumuhos ang emosyon nang ibahagi ni Candy ang kanyang naging sama ng loob.
"Actually ang mas kinasamaan ng loob ko noon, 'yung naniwala ka doon kaysa sa akin. Doon sumama ang loob ko na parang, 'Di ba niya ako kilala?'" ani Candy.
Paliwanag ni Aiko, naniwala siya noon dahil sa isang partikular na date na binanggit ng taong sangkot, na naging dahilan para isipin niyang totoo ang mga paratang.
Sa huli, nangako si Aiko kay Candy.
Aniya, “Siguro itong hindi natin mapagkaintindihan is just one for the books. Siguro it will make our friendship stronger, better.
"And always remember, ito mapapangako ko sa yo, bes. Hindi na ako mawawala. Kasi every step of the way, nandito na ako. Welcome back to my life."
Ang pagkakaibigan nina Aiko at Candy ay nagsimula pa noong sila ay nag-aaral sa University of the Philippines Diliman. Kasama sina Carmina Villarroel at Gelli de Belen, naging magkaka-close silang magkakaibigan hanggang sa pagpasok sa showbiz.
Noong 2021, pumutok ang ang balitang may gap ang dalawa. Ayon kay Aiko noon, hindi sila nagpapansinan ni Candy ng halos isang taon at may mga pagkakataong naging "careless" umano sa pananalita ang kanyang kaibigan.
Balikan ang heartwarming moments nina Candy Pangilinan, Aiko Melendez, Carmina Villarroel at, Gelli De Belen sa gallery na ito: