
Hindi lang isa kundi apat na bagong medalya ang nauwi ni Carlos “Caloy” Yulo mula sa kanyang mga naging laban sa Asian Championships 2025.
Nakuha ni Carlos ang ikaapat niyang gold medal sa naturang Asian Championships sa floor exercises at tatlong bronze medals naman ang naiuwi niya mula sa iba pang event.
Malinis at pulidong routine ang ipinamalas ng Filipino athlete sa floor exercise, kaya naman muli siyang binansagan ng marami na king of floor exercise sa gymnastics.
Ang score na nakuha ni Caloy na nagtalaga sa kanya bilang champion at gold medalist sa event ay 14.600.
Sa exclusive interview ng Kapuso journalist na si JP Soriano sa tinaguriang Golden Boy, ibinahagi ng huli na unexpected daw ang mga nangyari sa kanya sa kompetisyon.
“Actually, wala po akong in-expect sa kompetisyon na 'to like I just want to test po 'yung sarili ko kung anong kalalabasan ng performance ko. Siyempre 'yung kaba po [iba] e, kasi after Olympics ibang platform po 'yun kaysa dito… Gusto ko po i-try and i-challenge 'yung sarili ko," pahayag niya.
Siya pa rin ang defending champion sa naturang category.
Ang kapatid naman niya na Eldrew Yulo ay nag-uwi ng silver medal sa vault finals ng parehong kompetisyon.
Ang Asian Championships 2025 ay ginanap sa South Korea.
Samantala, isa sa hindi malilimutang pagkapanalo ni Caloy ay ang pag-uwi niya ng dalawang gold medal mula sa Paris Olympics 2024.
Related gallery: