
Bagamat madalas mga sikat na personalidad ang napapanood sa online show ni Boss Toyo na Pinoy Pawnstars, bukad naman daw ito kahit kanino.
Isang patunay rito ang negosasyon sa pagitan ni Boss Toyo at ang nag-viral na “Imburnal Girl” na si Rosemarie Peligrino, na nagtungo sa shop ng una para ibenta ang isang lumang cutter.
Ayon kay Rosemarie, ginagamit niya ang naturang cutter sa pangkabuhayan nilang pangangalakal. Noong araw na nag-viral siya aksidente raw itong nahulog sa isang imburnal sa Makati. Laking gulat na lamang daw niya na maraming tao na sa lugar matapos makuha ang cutter.
Sa pakikipagnegosasyon kay Boss Toyo, in-offer-an si Rosemarie ng PhP5,000 para sa kanyang cutter.
Dito, napaamin din si Rosemarie na nagbibisyo siya, “pero hindi naman po araw-araw.”
Kaya naman sinabihan siya ni Boss Toyo, “Magbago ka. Pilitin mo.”
Sandaling nakausap ng GMANetwork.com at ibang entertainment media si Boss Toyo sa World Gin Day celebration ng Ginebra San Miguel noong Martes, June 10.
Dito, ipinaliwanag niya kung bakit dinagdagan pa niya ng PhP5,000 ang nauna niyang offer kay Rosemarie, “Binigyan ko ng another PhP5,000 kasi alam mo naman yung mga may bisyo, malay mo… Minsan kasi, the more na pinapagalitan mo yung mga ganun, the more na nagiging harsh sa kanila, baka iba pa yung dating. So, i-reverse naman natin. Kapag hindi sila nagbago, sila naman ang mawawalan, hindi tayo.”
Nabanggit din niya, “As a confessed drug addict before, talagang matagal ako diyan, for about 10 years, sinabi ko naman na wala talaga akong pinatunguhan. So, noong tinigil ko yung at naghanap ako ng bagong buhay, naging maayos ang buhay ko. So, sabi ko, tigilan na nila 'yan hangga't bata pa sila.”
Bukod sa Php10,000 mula kay Boss Toyo, nakatanggap na rin si Rosemarie ng PhP80,000-worth of livelihood assistance package mula sa Department of Social Welfare and Development.
Related gallery: Celebrities who sought rehab services to reclaim their lives
Samantala, patuloy pa rin ang paglapit ng ilang mga kilalang personalidad kay Boss Toyo para ibenta ang ilang mahahalagay bagay sa kanila.
Hindi raw inaasahan ni Boss Toyo na makikilala siya sa ganitong paraa, pero lubos ang kanyang pasasalamat.
Aniya, “Actually, lagi akong nasa-shock, lagi akong na-amaze, laging iba ang pakiramdam kasi iniisip ko pa rin na lumaki ako na sila yung pinapanood ko. So, every time na may nakakaharap ako, talagang nasa-shock ako, na parang, 'Totoo ba 'to? Talagang kaharap na kita?' Nakaka-chat, nakakausap, and eventually, after the [negotiation] nagiging magkakaibigan pa kami.”
Tingnan ang naging celebrity visitors na ni Boss Toyo rito: