Showbiz News

Regine Velasquez, Ariel Rivera and Julie Anne San Jose topbill Christmas musical special



Ngayong Disyembre, handog ng GMA ang isang masaya, makulay at kapana-panabik na Christmas musical special na may puso at himig ng Pasko ang kuwento.

Pinagbibidahan ng Asia's Songbird, Ms. Regine Velasquez-Alcasid, multi-platinum singer and actress na si Julie Anne San Jose, at Ariel Rivera, tampok sa Himig ng Pasko ang kwento ng isang OFW na nagbalik-bayan upang tuparin ang kanyang hiling ngayong Pasko --- ang mapalapit sa anak na nawalay sa kanya, ang paningninging muli ang parol-making business ng kanilang pamilya at ang maging happy sa piling ng tanging lalaking inibig niya.

Alamin sa storyang ito na may pinaghalong comedy at drama, at puno ng kantahan, kung bakit ang kaka-retire lang na singer sa Japan na si Bel (Regine Velasquez-Alcasid) ay naging kontra sa pagkahilig sa musika ng anak niya sa pagkadalagang si Christiana (Julie Anne San Jose), na sanhi para mapalayo ang loob nito sa kanya.

Musika rin kaya ang naging rason kung bakit napariwara noon si Bel at napilitang makipaghiwalay sa high school sweetheart na si Joseph (Ariel Rivera)?

Tampok dito ang mga paborito nating kantang pamasko gaya ng Kumukutikutitap, Noche Buena , Simbang Gabi at Himig ng Pasko. 

Alamin sa musical drama special na ito kung paano maaaring maging instrumento ang musika para magbuklod ang isang pamilya, lalong-lalo na tuwing  Pasko --- ang panahon kung kailan masarap magpatawad, magmahalan at magbigayan!

Abangan ang Himig ng Pasko sa dalawang magkasunod na Sabado, December 13 at December 20, 8:30-9:30 p.m., sa GMA.