Showbiz News

“Kayod Dukha” sa Reporter’s Notebook ngayong hapon





Inabutan naming nagluluto si Gertrude Bitos ng sinaing na ilang beses dinagdagan ng tubig. Maliban kasi sa lugaw na magsisilbing pananghalian nilang mag-anak, sa sinaing rin niya kinukuha ang am o ang tubig na pinagkuluan ng bigas.

Sa halip na gatas, am na may halong kape ang nagsisilbing dede at pamatid-gutom ng kaniyang tatlong taong gulang na anak na si Bonbon. Asukal naman ang pampalasa ng lugaw para sa iba pa niyang anak. Construction worker ang asawa ni Gertrude na si Danilo. Kada buwan ay umaabot lamang sa tatlong libo ang kita ng kanyang asawa.

Ayon sa NSCB o National Statistical Coordination Board, para matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng isang pamilyang may limang miyembro, kailangang kumita sila ng 7,821 pesos kada buwan, malayong-malayo ito sa kinikita ng pamilya ni Gertrude.





Pinagtagpi-tagping sako, lumang tarpaulin at kahoy ang nagsisilbing silungan ng pamilya nina Jimmy at Mae kasama ang kanilang apat na anak. Pangangalakal naman ang kanilang ikinabubuhay. Labing-dalawang taon na raw silang nakapuwesto dito sa bangketa ng NIA road. Matagal na rin daw nilang gustong magkaroon ng maayos na tirahan na mauupahan, pero hindi pa rin sumasapat ang kita ng kanilang pamilya.

Sa report na inilabas ng International Labor Organization nitong Mayo 2014, lumalabas na sa lahat ng mga bansang miyembro ng ASEAN o Association of Southeast Asian Nations, Pilipinas ang may pinakamataas na unemployement rate o bilang ng mga walang trabaho.

Huwag palalampasin ang mas pinatatag at mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng lipunan at pamahalaan.

Abangan ang Reporter’s Notebook Special Report, Huwebes, 4:25 ng hapon.