Showbiz News

Mark Herras: From bad boy of the dance floor to good daddy

By ANN CHARMAINE AQUINO

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com
 
Nakilala ang StarStruck batch 1 winner na si Mark Herras as "bad boy of the dance floor" at naging matunog din ang kanyang pangalan dahil sa kanyang mga naging karelasyon sa mundo ng showbiz. Ano kaya ang mga pagbabago sa kanyang buhay ngayong mayroon na siyang Baby Ada?
 
Kuwento ni Mark, "For the past few years, bago dumating si Ada parang ang tagal kong magbago ng ugali. Parang gimik dito, gimik doon, loko dito, loko doon. Pero noong dumating si Ada, parang nag-aaral ako. Kumbaga grumaduate (graduate) na ako, 'eto high school ito. Ngayon college naman. Eto ngayon 'yung buhay ko, lahat ng ginagawa ko nakatutok ako kay Ada."
 
Bukod sa kanyang pagbabago ng ugali, mas tutok umano siya ngayon kay Ada kaysa sa ibang mga bagay. 
 
"Ngayon po, nakikita ko si Ada at nakakasama ko siya. Noong nagsimula, normally Saturday and Sunday lang. Ngayon hindi man almost everyday, pero mas napapadalas na. Kasi parang maraming nagsasabi na dapat mas makilala ka pa ni Ada and dapat mas makita ka niya almost everyday."
 
Dagdag ni Mark, wala namang problema kung gusto niyang makita si Ada dahil wala naman daw silang alitan ng ina ng kanyang anak.
 
Pahayag niya, "Wala naman kaming problema noong mommy ni Ada. Okay naman kami, so wala namang problema kung gusto kong makita si Ada or kung gusto kong dalhin sa bahay si Ada."
 
Dahil sa bilis ng paglaki ni Ada, nais umano makita ni Mark ang bawat milestone ng kanyang anak. Aniya, "Nakakatuwa kasi 'pag nakikita mo na everyday na nakakasama mo siya, ang dami na niyang ginagawang bago. Parang unti-unti, teka parang ang bilis mong lumaki ha?"
 
Para kay Mark, lahat ng kanyang ginagawang pagtatrabaho ay para sa kanyang baby girl.
 
"Masarap 'yung feeling kasi para kay Ada e. Iba 'yung feeling na nagagawa kapag si Ada 'yung involved doon sa ginagawa mo."