Showbiz News

Andrea Torres, napapagalitan ng direktor sa sobrang passionate sa acting?

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com
 
Maraming mga firsts si Kapuso actress Andrea Torres sa kanyang current soap na Ang Lihim ni Annasandra. Ang Afternoon Prime show kasi ang first lead role at first fantaserye niya. Ayon pa sa kanya, dito raw nangyari ang kanyang kauna-unahang love scene na sobrang intense.
 
Ani Andrea, dumagdag pa raw sa kanyang listahan ang experience na ikulong sa kulungan ng isang hayop. Kailangan kasi sa istorya na ikulong si Annasandra dahil nagiging awok siya tuwing sumasapit ang gabi.
 
“Nakakagulat kasi ganoon pala 'yung feeling, ganoon pala 'yung itsura. Hindi pala siya komportable,” bahagi ni Andrea.
 
Sa kulungan ng aso pumapasok si Andrea tuwing kukunan ang eksena. Kaya naman ayon sa bida ng Afternoon Prime soap, alam na niya ang pakiramdam ng mga asong ikinukulong.
 
Aniya, “Akala ko kasi dati ang kulungan ng aso [ay] parang patag kasi wala akong aso. So hindi ako aware. Ngayon ko lang nakita na ah ganito pala 'yung sahig noon, ganito pala 'yung feeling.”
 
Mahihirapan daw si Andrea umarte kung wala siya sa loob ng kulungan. Saad niya, “Nakakatulong siya sa character ko. Nakakatulong din siya kapag nag-i-internalize ako kasi siyempre mas nakakaawa ‘yung feeling ko.”
 
Kuwento ni Andrea, kahit daw mahirap ay hindi siya nagdalawang-isip na gawin ito. “Ako naman pagdating sa ganoon, wala naman akong arte,” pahayag niya.
 
Ayon nga kay Andrea, minsan ay napapagalitan pa siya ng kanilang direktor dahil game siya sa lahat. Aniya, “Sabi nga sa 'kin ni Direk [Albert Langitan], ikaw go ka nang go kahit ano ang ipagawa ko sa 'yo. Minsan kasi parang siya na 'yung nababahala na 'Oh wait lang, huwag ka munang kumilos baka mamaya masaktan ka'.”
 
“Okay lang sa 'kin kahit ano ang ipagawa dahil experience 'yon,” pagtatapos ng Ang Lihim ni Annasandra star.